PATAY ang dalawa katao habang pito ang sugatan sa karambola ng tatlong sasakyan sa Commonwealth Avenue, Quezon City.
Ayon kay Dexter Cardenas, hepe ng QC Traffic and Transport Management Department (TTMD), patuloy nilang inaalam ang pagkakakilanlan sa mga biktima na hindi pa niimpormahan ang mga kaanak.
Sinabi ni Cardenas, ang mga biktima ay pawang pasahero ng isang traditional passenger jeep na may biyaheng Jordan Plains-Philcoa na bumaligtad makaraang makabangga ang isang kotse at modern e-jeep.
Nauna rito, nakitang mabilis na tinatahak ng traditional jeep ang kahabaan ng Commonwealth Avenue patungong Fairview hanggang mawalan ng kontrol at bumangga sa isang kotse at modern e-jeep bago bumaliktad.
Isinugod ng nagrespondeng rescue team ang pitong sugatan sa pinakamalapit na ospital.
Samantala, habang isinusulat ang balitang ito, patuloy na inaalam ng QC Traffic Enforcement Unit ang insidente na naganap dakong 7:00 ng umaga sa Commonwealth Avenue.
Ayon pa kay Cardenas, nasa kustodiya ng pulisya ang driver ng traditional jeep.
Dahil sa insidente, bumagal ang trapiko ng mga sasakyan patungong Fairview, QC. (ALMAR DANGUILAN)