ISINAILALIM sa Federation Internationale de Football Association (FIFA) certification test nitong Huwebes ang bagong-gawang Football Field ng Rizal Memorial Stadium sa loob ng Rizal Memorial Sports Complex (RMSC) sa Malate, Maynila.
Kasama ang mga kawani ng Philippine Sports Commission (PSC), dumalo si PSC Chairman Richard E. Bachmann sa pagsubok ng newly installed Limonta Artificial Turf football field na naging bahagi na ng kasaysayan ng Philippine sports sa loob nang maraming taon.
Ayon kay Chairman Bachmann, “Patuloy na lumalaki ang komunidad at sabik na ang stadium na ito na masaksihan ang panibagong kasaysayan na mabubuo.”
Pinangunahan ng E-sports International Inc., ang programa at proseso ng testing sa tulong ni Anthony Apparailly mula sa Acousto-Scan, isang accredited FIFA laboratory.
Ipinaliwanag ni G. Apparailly ang proseso ng pagsusuri, ang iba’t ibang uri ng certification, at ang kahalagahan ng FIFA certification.
Patuloy ang pagtutok ng pambansang ahensiya sa pagbibigay ng dekalidad at world-class na pasilidad para sa mga pambansang atleta, bilang bahagi ng layuning patuloy na paunlarin ang sports facilities sa bansa upang mas mapalakas ang kinabukasan ng Philippine sports. (Mga retrato ni HENRY TALAN VARGAS)