AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
HALOS araw-araw naiuulat na may mga kababayan tayong overseas Filipino worker (OFW) na biktima ng pang-aabuso sa ibang bansa. Hina-harass, binabastos ng kanilang amo at kalahi. Masyadong minamaliit ang mga Pinoy – kung mamalasin pa nga, ginagahasa at pinapatay lalo na ang mga kababaihan.
Ang masaklap pa nga, madalas na nangyayari ay nababaligtad ang lahat kapag nagreklamo ang mga kababayan natin – sila pang mga biktima ang nakakasuhan, nakukulong o napaparusahan. Iyan ang tunay na buhay ng nakararaming OFW ngayon – tinitiis na lamang ang lahat para sa iniwang mahal sa buhay sa Filipinas.
Sa buong mundo, kilala ang mga Pinoy sa likas nitong kabaitan, kahit na nasasaktan na o napapahiya na ay nakangiti lamang. Iyan kasi ang isa sa katangian natin “hospitable” na nagiging dahilan kung bakit mas gugustohin ang serbisyo ng mga Pinoy sa ibang bansa.
Kaya lang, ibang usapan na kung maging dito sa bansa natin ay babastusin pa tayo ng mga dayuhan. Iyon bang sinasamantala ang kabaitan o pagiging palakaibigan ng mga Pinoy.
Tulad na lamang nitong dayuhang Russian – American vlogger content creator na si Vitaly Zdorovetskiy. Para lang magkaroon ng maibentang content ay kanyang binabastos ang mga Pinoy. Iresponsableng vlogger na walang respeto sa mga Pinoy. Prank man ito pero huwag naman iyong ilagay sa kahihiyan ang inosenteng biktima – dapat igalang ang pagkatao. Lalo na’t nandadayohan siya rito sa ating bansa.
Ang pambabastos ng dayuhang vlogger ay nakarating sa gobyernong Marcos dahilan para pakilusin ang Bureau of Immigration (BI). Lumapit ang BI sa tanggapan ni CIDG Director, PMaj. Gen. Nicolas Torre III upang mawakasan na ang kabastusan ng undesirable visitor.
Sa bisa ng Mission Order No. 2025-084, nitong 2 Abril 2025, inaresto ng CIDG si Zdorovetskiy sa Conrad Manila, Seaside Blvd., Coral Way, Pasay City. Inaresto si Zdorovetskiy dahil sa undesirability o paglabag sa BI Operations Order No, SBM-2014-0458 in relation to Commonwealth Act 613.
Idiniin ni PMGen. Torre III, ang ipinakitang asal ni Zdorovetskiy ay hindi lamang nakagagambala at sa halip ay tumawid na sa limitasyon o masyadong naging abuso na nakaaapekto sa mapayapang pamumuhay ng biktima o ng marami.
Ngayon, kulong na ang dayuhan at winakasan na ng CIDG ang ginagawang pambabastos at pangha-harass sa mga kababayan natin.
Ang hakbang ni PMGen. Torre III at ng CIDG ay patunay lamang na pinoprotektahan ng batas ang lahat para sa kanilang kasigurohan at katahimikan.
Hindi naman masama ang ‘pranks’ dahil hindi ito nakapananakit nang pisikal pero huwag naman iyong abusohin at malagay sa kahihiyan ang biktima maging ang kanilang pamilya. Hindi nga nasaktan nang pisikal pero emosyonal naman ang tama.
Mabuti na lang nariyan si PMaj. Gen. Torre III at ang CIDG, winakasan na ang pambu-bully ng dayuhang Ruso na sinampahan ng patong-patong na kasong paglabag sa umiiral batas ng Filipinas.