
NADAKIP ng mga awtoridad ang isang lalaki sa lungsod ng Meycauayan, sa lalawigan ng Bulacan, nitong Martes, 8 Abril, matapos matuklasang na ang isang dalagitang nawawala sa Olongapo City ay itinatago niya sa kaniyang bahay at pinagsasamantalahan.
Sa ulat mula kay P/Lt. Col. Manuel Bayaona, Jr., hepe ng Meycauauan CPS, nabatid na ang suspek ay isang 48-anyos na residente ng Brgy. Iba, sa nabanggit na lungsod.
Napag-alamang natuklasan ng mga kaanak ng 15-anyos na biktima na itinatago siya ng suspek sa kaniyang bahay sa Meycauayan.
Personal nilang sinadya ang tinutuluyang lugar ng suspek at doon ay nadatnan nila ang suspek at ang biktima.
Ayon pa sa mga kaanak ng biktima, Abril 3 pa nang mawala ang dalagita sa Olongapo kaya hinanap nila at sa pagtatanong-tanong ay nalaman nilang siya ay nasa poder ng suspek.
Agad silang nakipag-ugnayan sa himpilan ng Meycauayan CPS na mabilis umaksiyon at inaresto ang suspek.
Pahayag ng biktima sa mga awtoridad lagi siyang inaabuso ng suspek sa loob ng bahay na pinagdalhan sa kaniya.
Kasalukuyan nang nakakulong sa Meycauayan CPS custodial facility ang suspek na nahaharap ngayon sa kasong Statutory Rape at paglabag sa RA 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act.
Samantala, inendorso ang biktima sa City Social Welfare and Development Office (CSWDO) para sa kinakailangang assessment at counseling. (MICKA BAUTISTA)