MATAGUMPAY na nagsagawa ng buybust operation ang mga operatiba ng Arayat MPS Station Drug Enforcement Unit (SDEU), sa koordinasyon ng Provincial Intelligence Unit (PIU) ng Pampanga PPO, sa Bgry. Mapalad, bayan ng Arayat, lalawigan ng Pampanga.
Humantong ang operasyon sa pagkakasakip sa suspek na kinilalang si alyas “Ramil,” 48 anyos, nakatalang high value individual, at residente ng nabanggit na barangay.
Nakumpiska mula sa pag-iingat ng suspek ang humigit-kumulang isang kilo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P6,800,000; at P5,000 na marked money na ginamit sa operasyon.
Dinala ang suspek at ang mga nakumpiskang ebidensiya sa Arayat MPS para sa kaukulang dokumentasyon at disposisyon.
Nagsasagawa na ngayon ng karagdagang imbestigasyon ang mga awtoridad upang matuklasan ang lawak ng network ng suspek at matukoy ang mga posibleng link sa mas malalaking sindikato ng droga.
Kaugnay nito, pinapurihan ni PRO3 Regional Director P/BGen. Jean Fajardo ang dedikasyon ng mga operatiba ng PRO 3 sa matatag na paninindigan laban sa ilegal na droga at panatilihing ligtas ang komunidad. (MICKA BAUTISTA)