SINALAKAY ng National Bureau of Investigation (NBI) sa tulong ng lokal na pulisya ang isang plantang gumagawa ng mga kemikal sa paggawa ng bomba sa bayan ng Marilao, lalawigan ng Bulacan nitong Biyernes, 4 Abril.
Batay sa sa ulat ng Marilao MPS, kinilala ang planta na Philippine Chuangxin Industrial Corp. na matatagpuan sa Unit D1 at D2 Greenmiles Compound, Inc. sa Brgy. Santa Rosa 1, sa nabanggit na bayan.
Ipinatupad ang search warrant ng NBI office of the director, Cyber Crime Division- Special Task Force sa nasabing planta dahil nadiskubreng nagmamanipaktura ng ammonium nitrate, sulfuric acid, bukod sa iba pa na pangunahing sangkap sa paggawa ng mga pampasabog sa kabila ng rehistradong kumpanya bilang manufacturer ng tungsten.
Napag-alamang 100% Chinese-owned ang naturang kompanya na ipinapadala umano ang mga yaring produkto sa China at United States.
Nagresulta ang pagsalakay sa pag-aresto sa apat na Chinese national at 20 lokal na manggagawa habang patuloy pa rin ang isinasagawang imbestigasyon. (MICKA BAUTISTA)