SA PINAIGTING na pasisikap ng pulisya laban sa kriminalidad, naaresto ang limang indibidwal na pawang mga lumabag sa batas sa lalawigan ng Bulacan nitong Sabado, 5 Abril.
Sa ulat na isinumite kay P/Col. Franklin Estoro, officer-in-charge ng Bulacan PPO, nagsagawa ng magkahiwalay na buybust operation ang Station Drug Enforcement Unit ng Pulilan at Balagtas MPS, na nagresulta sa pagkakaaresto sa tatlong suspek.
Nakumpiska sa operasyon ang 12 plastic sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P31,076; at buybust money.
Dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit ang mga nakumpiskang ebidensya para sa kaukulang pagsusuri.
Samantala, nakatakdang sampahan ang mga suspek ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Samantala, sa isang hiwalay na manhunt operation na isinagawa ng mga tracker team mula sa Hagonoy at Bulakan MPS, nasakote ang dalawang indibidwal sa bisa ng warrant of arrest para sa kasong Estafa sa ilalim ng Article 315 2 (a) at para sa paglabag sa BP 22.
Kasalukuyang nasa kustodiya ng kani-kanilang arresting unit ang mga suspek para sa kaukulang disposisyon at dokumentasyon. (MICKA BAUTISTA)