PINATAWAN ng 90-araw suspensiyon ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensiya sa pagmamaneho ng SUV driver at isa sa mga motorcycle rider na sangkot sa road rage na nauwi sa pamamaril at ikinasugat ng apat katao.
Sa huling ulat, namatay ang nasa kritikal na kondisyon sa Antipolo City nitong Linggo ng hapon.
Nitong Lunes, sinabi ng LTO na sinuspinde ng ahensiya ang driver’s license ng dalawang sangkot na indibiduwal habang hinihintay iniimbestigahan ang insidente.
“In the show cause order issued on the SUV driver and one of the motorcycle riders, it was stated that their driver’s licenses were suspended for 90 days pending the result of the investigation while the SUV and the motorcycle were placed under alarm,” ayon sa LTO.
Iniimbestigahan ng LTO Intelligence and Investigation Division ang insidente kung ano ang nag-trigger ng away sa trapiko na nauwi sa pamamaril.
Sinabi ni LTO chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, magiging batayan ang resulta ng imbestigasyon sa mga posibleng parusang ipapataw sa mga sangkot na indibiduwal kabilang ang pagbawi sa kanilang driver’s license.
“Nakalulungkot ang ganitong pangyayari na hindi na natin binibigyan ng dignidad ang ating mga sarili, na talo pa natin ang mga bata na magsusuntukan agad sa gitna ng kalsada dahil sa bagay na puwede namang pagpasensiyahan,” ani Mendoza.
Pinaalalahanan din niya ang mga motorista na maging maingat, responsable, at matiyaga sa kalsada.
“Muli ay nagpapaalala tayo sa ating mga kababayang motorista na maging maingat, maging responsable at magbaon ng napakaraming pasensiya kapag nasa kalsada. Marami na tayong naparusahan dahil sa road rage at marami na ang nasira ang buhay dahil sa road rage,” payo ng LTO chief.
Nangyari ang road rage noong Linggo ng hapon sa Marcos Highway sa Antipolo City. (ALMAR DANGUILAN)