SA WALANG tigil na anti-criminality operations, naaresto ng pulisya ang kabuuang siyam na indibidwal na binubuo ng isang tulak at walong wanted na personalidad sa Bulacan kahapon.
Sa ulat na ipinadala kay PColonel Satur L Ediong, provincial director ng Bulacan PPO, nagsagawa ng anti-illegal drug operation ang Station Drug Enforcement Unit (SDEU) ng Bustos MPS sa Brgy. Wakas, Bocaue, na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang tulak at pagkakakumpiska ng tatlong heat-sealed plastic sachet na naglalaman ng hinihinalang shabu na may Standard Drug Price value na Php 3,400.00 at buy bust money.
Dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) ang mga nakumpiskang ebidensiya para sa kaukulang pagsusuri habang ang reklamong kriminal para sa mga paglabag sa R.A. 9165 laban sa suspek ay inihahanda na para sa pagsasampa sa korte.
Bukod dito, ang iba’t ibang manhunt operations na isinagawa ng tracker teams ng San Jose del Monte, Marilao, Plaridel, Bocaue, Norzagaray, at Pulilan C/MPS ay nagresulta sa pagkakaaresto sa walong wanted na indibidwal sa bisa ng Warrants of Arrest para sa estafa, qualified theft, robbery, violation of R.A. 9165, at paglabag sa R.A. 9262. (MICKA BAUTISTA)