NGAYONG April Fool’s Day, nagbabala ang TRABAHO Partylist sa publiko na mag-ingat sa mga job scam dahil sa tumataas na insidente ng nabibiktima ng halos magkakamukhang estilo ng panloloko.
Karamihan sa mga nabiktima ay inalukan umano ng magandang buwanang pasahod pati komisyon para sa mga work-from-home task, kung saan ang mga biktima ay napapaniwalang kailangan muna nilang magtop-up o mag-abono para ma-withdraw nila ang kanilang libo-libong suweldo.
Sa mga unang task ay tunay na naka-withdraw pa sila ng suweldo kung kaya’t lalo silang naengganyo na ipagpatuloy ang kanilang tinatawag na mga task o misyon.
Kinalaunan na lamang nila napagtanto na sila nga ay biktima na ng scam kung kailan malaki na ang kanilang nadeposito na hindi na nila ma-withdraw. Ang malala pa, ang mga inabonong nakuha sa kanila ay kabuuan na ng kanilang ipon o kaya ay inutang.
Hindi umano hahantong sa ganitong kalunos-lunos na sitwasyon na maraming nabibiktima ang mga gusto lamang magkaroon ng maayos na hanapbuhay kung mayroon silang access sa lehitimong mapagkukuhaan ng impormasyon ukol sa mga job opening.
Upang matulungan ang mga naghahanap ng trabaho at majkaiwas sa mga panloloko ay linggo-linggong nagbibigay ng job fair alert ang grupo sa Facebook page nito na 106 TRABAHO Partylist.
Bukod sa pagbibigay ng impormasyon ukol sa mga lehitimong job fair, batid ng TRABAHO partylist na importanteng maturuan ang publiko kung paano suriin ang mga inaalok na trabaho upang malaman kung ito ay lehitimo o panloloko.