
ni ALMAR DANGUILAN
DINAKIP ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at Philippine National Police (PNP) ang isang aktibong pulis at tatlong kasabwat nito nang makompiskahan ng 20,000 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P136 milyon sa Baguio City, Benguet nitong Martes ng umaga.
Kinilala ang mga nadakip na sina alyas Moling, 45 anyos, may ranggong Police Executive Master Sergeant (PEMS); alyas Teope, 49, sales master; alyas Laurente, 38, pawang residente sa Baguio City; at alyas Basallo, 37, mekaniko ng San Juan, Agoo, La Union.
Sa report ng PDEA Regional Office National Capital Region, bandang 11:02 ng umaga kahapon, Martes, 25 Marso, nang ikasa ang drug bust operation laban sa mga suspek sa South China Sea Green Valley Subdivision, Brgy. Dontogan, Benguet.
Nasamsam ng mga operatiba ang 20 piraso ng heat-sealed transparent plastic pack na naglalaman ng puting crystalline substance na pinaniniwalaang shabu na halos 20,000 kilo, na tinatayang nagkakahalaga ng P136,000,000.
Nakompiska rin sa mga suspek ang mga cellular phone, buybust money, baril, sasakyan, at mga identification card.
Mahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa Sections 5 at 11 of Art. II ng RA 9165.