SIPAT
ni Mat Vicencio
HINDI nakatitiyak ng panalo ang apat na babaeng senatorial candidates ng administrasyon sa kabila ng panawagan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr., na iboto ang lahat ng kanyang kandidato sa halalang darating na nakatakda sa Mayo 12.
‘Butas ng karayom’ ang papasukin nina Mayor Abby Binay, Rep. Camille Villar, Sen. Pia Cayetano, at Sen. Imee Marcos dahil pawang popular ang mga kalabang senatorial candidates, bukod pa sa meron din silang malawak na makinarya at malaking pondo.
Kung pagbabasehan ang mga senatorial survey, tanging sina Pia at Abby lamang ang pumapasok sa ‘Magic 12,’ samantalang sina Camille at Imee ay parehong ‘kulelat’ at hanggang ika-14 at ika-15 na puwesto lang ang nararating.
Mahigit isang buwan pa naman ang campaign period at tiyak na magbabago pa ang mukha ng senatorial race lalo na ngayong unti-unti nang nahahalukay ang baho ng mga senatorial candidates tulad nina Pia at Abby.
Hindi ba si Pia ang principal author ng POGO Law o RA 11590? Ang POGO Law na itinuturing na isa sa pinakamalala at palpak na legislative measure na lumusot sa Kongreso.
At dahil sa nasabing batas, lumaganap sa Filipinas ang tinatawag na POGO gambling hub na nagresulta ng kidnapping, illegal detention, prostitusyon, mga pagpatay at iba pang krimen.
Si Abby naman, hindi malaman kung bakit naging ‘better’ samantalang pinupuna ng marami ang bangayan ng kanilang pamilya lalo na ang pakikipag-away sa kanyang kapatid na si Junjun.
Nagkagirian at muntik nang magpang-abot sina Abby at Junjun habang isinasagawa ang isang election forum noon sa loob pa mismo ng simbahan.
Si Imee at si Camille naman, ang dalawang gastador dahil sa bilyon-bilyong pisong pinakakawalan sa kanilang campaign masiguro lang ang panalo ay ‘tagilid’ at malamang na matalo sa darating na halalan.
At sa kabila ng agresibong kampanyang ginagawa nina Imee at Camille, mukhang ‘wa epek’ ito dahil hirap na hirap silang makapasok sa ‘Magic 12’ sa mga survey, at hindi rumerehistro sa kamalayan ng taongbayan ang kanilang ginagawang campaign propaganda.
Kaya nga, ang panawagan ni Bongbong na 12-0 para sa senatorial candidates ng Alyansa Para sa Bagong Pilipinas ay malabong mangyayari dahil merong masisibak sa kanyang kandidato.