ALINSUNOD sa ipinatutupad na nationwide election gun ban, pinaigting ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang kanilang operasyon laban sa illegal possession of firearms, mga criminal gangs, at mga grupong sangkot sa gun-for-hire at gun running activities sa Pampanga kamakalawa.
Nagsagawa ng operasyon ang mga operatiba ng CIDG Detective and Special Operations Unit (CIDG- DSOU) kasama ang CIDG Regional Field Unit 3, Arayat Municipal Police Station, ang 15th Army Intelligence Regiment (AIR), Philippine Army and Explosives and Ordnance Disposal 3, sa Brgy. Mapalad, Arayat, Pampanga na nagresulta sa pagkakaaresto sa dalawang pinaniniwalaang miyrembro ng gun-for-hire group.
Sa ulat na nakarating kay P/Maj. Gen. Nicolas Torre III, Direktor ng CIDG, nagsilbi ang operating team ng tatlong warrants of arrest para Usurpation of Authority o Official Function (Art. 177, RPC), na inisyu ng MCTC, Catigban-San Isidro-Sagbayan, Bohol na may petsang 18 Abril 2022; Illegal Possession of Firearms and Ammunition, na inisyu ni Presiding Judge Josephine Fernandez ng San Mateo, Rizal RTC Branch 76 sa Service of Sentence; at paglabag sa Sec. 11, Art. II ng RA 9165 na inisyu ni Presiding Judge Anna Michella Cruz Atanacio-Veluz, ng Malabon City RTC Branch 169 laban sa suspek na kinilalalang si alyas Antonio.
Narekober ng operating team mula sa pag-aari ng suspek at kaniyang pinsang kinilalang si alyas Ariel ang isang fragmentation grenade, dalawang kalibre .45 na pistola, na ang isa ay may suppressor; isang MK-9 9MM sub-machine gun, ilang magazine, at iba’t ibang klase ng bala, isang PNP Identification Card na may pangalang P/Maj. Antonio Oriendo Cerbito, isang AFP Identification Card na may pangalang Maj. Antonio Oriendo Cerbito, at PNP at AFP uniforms.
Lumabas sa imbestigasyon na hindi miyembro ng PNP at AFP sina alyas Antonio at alyas Ariel kaya sasampahan sila sa National Prosecution Service ng mga kasong paglabag sa RA 10591 (Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act) at RA 9516 (Illegal Possession of Explosives) kaugnay sa BP 881 (Omnibus Election Code) at COMELEC Resolution Number 11067 para sa ilegal na pag-aari ng baril at iba pang nakamamatay na sandata sa panahon ng halalan; at Usurpation of Authority sa ilalim ng Article 177 ng Revised Penal Code.
Kaugnay nito, tiniyak ni P/Maj. Gen. Torre na walang humpay ang CIDG sa paggalugad ng mga loose firearms, explosives at deadly weapons, at aarestohin ang lahat ng mga kriminal na nagtataglay nito. (MICKA BAUTISTA)