
ni ALMAR DANGUILAN
DALAWANG araw bago angpagpasok ng Fire Prevention Month, 1-30 Marso 2025, walo katao ang nagbuwis ng buhay kabilang ang isang 2-anyos totoy at dalawang menor-de-edad nang tupukin ng apoy ang tatlong palapag na bahay sa Barangay San Isidro, Quezon City nitong madaling araw ng Huwebes, 27 Pebrero 2025.
Ayon kay QC District fire marshal Senior Supt. Florian Guerrero, bukod sa pag-iimbestiga para malaman ang sanhi ng sunog, katuwang ang QCPD Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU), nagsasagawa na rin sila ng case build-up para pag-aralan ang mga posibleng nilabag na Fire Code na siyang isasampa laban sa may-ari ng gusali.
Sinabi ni Guerrero, ang gusali ay idinisenyong residential para sa isang pamilya pero natuklasang may 11 kuwarto at ayon sa kinauukulang barangay, ay ginawang paupahan.
Sa ulat, sinabing ang mga namatay ay isang 2-anyos na batang lalaki, dalawang menor de edad, nasa edad 12 at 15 anyos, mga babaeng nasa edad 34 at 20 anyos, at isang 40-anyos lalaki.
Samantala, sugatan ang 36-anyos na si Joohel Samosa habang mayroong ibang tenants na nakaligtas.
Nagsimula ang sunog bandang 2:02 ng madaling araw sa 3-storey residential building sa 19 De Agosto St., Brgy. San Isidro (Galas), Quezon City.
Umabot sa unang alarma ang sunog.
Sa imbestigasyon, nang nasusunog ang gusali, ilan sa mga umuupa sa gusali ang umakyat sa bubong para iligtas ang kanilang sarili dahil malaki na ang apoy nang sila ay magising.
Naapula ng mga nagrespondeng tauhan ng QC – Bureau of Fire Protection (BFP) dakong 2:48 am.
Nang magsagawa ng mopping operation ang mga bombero, tumambad ang halos sunog nang bangkay ng mga biktima. Ang mga biktima ay natagpuan sa unang palapag malapit sa hagdanan, palikuran, at sa ilan pang bahagi ng bahay.
Patuloy ang imbestigasyon kung ano ang sanhi ng sunog na tumupok sa mahigpit P3 milyong ari-arian.
Sinabi ni Guerrero, nagawang makapagresponde ng QC Fire sa loob ng apat na minuto pero mabilis na tinupok ng apoy ang bahay dahil gawa ito sa kahoy at iba pang light materials.
Bukod dito, nahirapan makapasok ang mga bombero sa bahay dahil ang mga bintana nito ay nakakandato kaya kinailangan pa nilang gumamit ng bolt cutter.
“Kung hindi sana naka-padlock ang mga bintana, maaaring nakaligtas sila,” pahayag ni Guerrero.
Idinagdag ng opisyal, “Itong ongoing case build-up ay para managot ang dapat managot, at dapat mabigyan ng hustisya ang mga namatay.”