ARESTADO ang isang lalaki matapos ireklamo ng pagbabanta at tangkang pamamaril sa grupo ng mga kabataan sa Brgy. Bayugo, lungsod ng Meycauayan, Bulacan, nitong Miyerkoles ng gabi, 26 Pebrero.
Sa ulat mula kay P/Lt. Col. Manuel Bayona, Jr., hepe ng Meycauayan CPS, kinilala ang suspek na si alyas Boy Boga, 38 anyos, isang construction worker, residente sa nabanggit na barangay.-
Ayon sa reklamo ng mga kabataan na pawang menor de edad, pauwi na sila mula sa paglalaro ng basketball nang makasalubong nila ang suspek.
Walang probokasyon, biglang bumunot ng baril ang suspek at itinutok sa mga kabataan dahilan upang kumaripas sila ng takbo sa iba’t ibang direksiyon at humingi ng tulong sa opisyal ng Violence Against Women and their Children (VAWC).
Pagkatanggap ng ulat, agad nagsagawa ng response operation ang mga tauhan ng Meycauayan CPS na humantong sa pagkakaaresto sa suspek at pagkakakompiska ng isang improvised firearm na kargado ng isang bala ng kalibre .45.
Nabatid na binansagang ‘Boy Boga’ ang suspek dahil madalas siyang manutok ng baril sa bawat makursunadahan kahit walang dahilan.
Nasa kustodiya ngayon ng Meycauayan CPS ang suspek at nakatakdang sampahan ng kasong Grave Threat kaugnay sa RA 7610 at paglabag sa RA 10591 kaugnay ng Omnibus Election Code sa Meycauayan City Prosecutor’s Office. (MICKA BAUTISTA)