NASABAT ng mga awtoridad ang hindi bababa sa P1.7-milyong halaga ng hinihinalang shabu habang naaresto ang suspek na nakatalang isang high value individual (HVI) sa ikinasang malaking anti-drug operation sa Brgy. San Vicente, sa bayan ng Sto. Tomas, lalawigan ng Pampanga, nitong Miyerkoles ng madaling araw, 26 Pebrero.
Gayondin, nadakip ang suspek na kinilalang si alyas Nato, 41 anyos, residente sa Brgy. Bulaon, San Fernando, Pampanga, sa naturang operasyon na pinangunahan ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) ng Pampanga Police Provincial Office, sa pakikipag-ugnayan sa Sto. Tomas MPS at ang Philippine Drug Enforcement Agency Regional Office 3 (PDEA R3).
Nakompiska mula sa suspek ang 255 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P1,734,000, kasama ang isang asul na Redmi mobile phone, at isang itim na Yamaha Mio i-125 na motorsiklo na nakaugnay sa drug trade.
Nabatid na si alyas Nato ang isa sa pinakamalaking source ng shabu sa bayan ng Sto. Tomas at karatig lugar nito sa Pampanga.
Kaugnay nito, pinuri ni PRO3 Regional Director P/BGen. Jean Fajardo ang mga operatiba sa kanilang mapagpasyang aksiyon. (MICKA BAUTISTA)