NASAKOTE ng mga awtoridad ang tatlong hinihinalang mga magnanakaw ng motorsiklo sa isinagawang follow-up operation sa bayan ng Balagtas, lalawigan ng Bulacan, nitong Martes, 25 Pebrero.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Satur Ediong, provincial director ng Bulacan PPO, nirespondehan ng mga tauhan ng Balagtas MPS ang itinawag na insidente ng carnapping sa Brgy. Pulong Gubat, sa nabanggit na bayan.
Lumalabas sa imbestigasyon na dakong 7:00 ng gabi kamakalawa, personal na iniulat ng biktima na habang naghihintay siya ng pasahero sa kalsada ng Pulong Gubat, puwersahang inagaw ng mga suspek ang kanyang tricycle.
Napag-alamang bumunot ng patalim ang isa sa mga suspek, itinutok sa biktima, at hiningi ang susi, habang ang isa, ang lookout, at isa pang suspek ay siyang nagmaneho ng tricycle at agad silang tumakas.
Matapos makarating ang sumbong ay kaagad nagsagawa ng follow-up operation ang mga operatiba ng Balagtas MPS na humantong sa pagkakaaresto ng mga suspek na hindi pa nakalalayo sa lugar.
Patuloy na inaalam ng mga awtoridad kung ang tatlong naarestong suspek ay kabilang sa grupo ng mga kawatan ng motorsiklo sa Bulacan.
Inihahanda ang kasong paglabag sa RA 10883 o New Carnapping Act of 2016 na isasampa laban sa mga naarestong suspek. (MICKA BAUTISTA)