INARESTO ng National Bureau of Investigation (NBI) ang dalawang indibiduwal dahil sa pagkakasangkot sa muling pagbebenta ng P270-milyong halaga ng mga nasabat na kontrabandong sigarilyo sa bayan ng Capas, lalawigan ng Tarlac.
Matapos ang ikinasang operasyon, tiniyak ng Bureau of Customs (BoC) na “heads will roll” kung mapatunayang may mga ulat na sangkot ang ilang tauhan nito sa katiwalian.
Natukoy na ang dalawang naaresto ay mga empleyado ng isang disposal company na kinontrata ng BoC upang itapon ang mga smuggled na sigarilyo na naunang nakompiska ng mga ahente ng Customs.
Napag-alamang iniaalok ng disposal company na ibenta ang mga kahon ng sigarilyo sa mga poseur buyer sa halagang P250 milyon.
Ayon kay Customs Commissioner Bienvinido Rubio, ang mga kontrabando ay nagkakahalaga ng P270 milyon kaya nagpahayag siya na makikipag-coordinate sa NBI hinggil sa imbestigasyon.
Dagdag ng BoC, sa apat na container ng smuggled na sigarilyo, tatlo ang orihinal na naka-consign sa isang kompanya habang ang natitirang container ay naka-consign sa ibang firm.
Isang hiwalay na kompanya ng pagtatapon ng basura ang kinontrata ng BoC para tanggalin ang mga sigarilyo, ayon sa Customs bureau.
Inakusahan ng NBI na ang environmental consultant ng disposal facility ang naghahanap ng mga bibili ng mga kalakal, na ang ilan ay iniaalok online.
Mahaharap ang mga suspek sa mga kasong paglabag sa RA 12022 o Anti-Agricultural Sabotage Act, at posibleng iba pang batas. (MICKA BAUTISTA)