NASAKOTE ng mga awtoridad ang isang dayuhang wanted sa kasong carnapping habang nasa loob ng isang bar sa lungsod ng Angeles, lalawigan ng Pampanga, nitong Linggo, 23 Pebrero.
Kinilala ang suspek na si Jaehoon Yoo, 43 anyos, Korean national, na nadakip sa pinagsanib na puwersa ng mga tauhan ng Angeles CPO PS4 at City Intelligence Unit (CIU).
Nabatid na si Yoo ay naninirahan sa Brgy. Cuayan, sa nabanggit na lunsgod, at wanted sa kasong paglabag sa RA 10883 o New Anti-Carnapping Law.
Dakong 11:30 am kamakalawa nang madakip ng mga operatiba ang dayuhan sa loob ng isang bar sa Brgy. Balibago, sa lungsod, sa bisa ng warrant of arrest na inilabas ni Presiding Judge Rodrigo “Ido” Del Rosario, ng Angeles City RTC Branch 114, na may petsang 6 Nobyembre 2023 at may inirekomendang piyansang P300,000.
Samantala, pinuri ni P/BGen. Jean Fajardo, regional director ng PRO3, ang mga operatiba sa kanilang mabilis na pagtugon at igniit na ang batas ay nalalapat sa lahat, kahit ano ang nasyonalidad. (MICKA BAUTISTA)