SA MABILIS na pagtugon sa insidente ng robbery at carnapping, matagumpay na naaresto ng pulisya ang isang magnanakaw ng motorsiklo habang ang mga kasabwat niya ay nakatakas at kasalukuyang pinaghahanap, nitong Linggo, 23 Pebrero, sa lungsod ng Baliwag, lalawigan ng Bulacan.
Sa ulat mula sa Baliwag CPS, naganap ang insidente dakong 2:30 am kamakalawa sa kahabaan ng Predrino St., Brgy. Catulinan, sa nabanggit na lungsod.
Unang iniulat ng biktima sa Baliwag CPS na tinutukan siya ng baril ng tatlong hindi kilalang suspek na sakay ng motorsiklong Yamaha NMAX at inagaw ang kaniyang itim na Yamaha NMAX, may palakang 103ROD kasama ang mga personal na gamit na nakalagay sa compartment nito.
Desididong mahanap ang mga ninakaw na gamit, ang biktima, sa tulong ng kanyang kapatid at mga kaibigan, ay natunton ang posibleng kinaroroonan ng mga suspek gamit ang “FindMyPhone” application sa kanyang iPhone.
Nang makompirma ang lokasyon, humingi siya ng tulong sa pulisya, na humantong sa agarang pagresponde ng Baliwag CPS.
Dakong 5:40 pm nang araw ding iyon, nagpunta ang mga operatiba sa tinukoy na lokasyon, na humantong sa pagkakadakip sa suspek na isang CICL (child in conflict with the law) habang tinatangka niyang i-unlock ang ninakaw na iPhone ng biktima sa isang cellphone repair shop sa Brgy. Sta. Cruz I, Lungsod ng San Jose del Monte, Bulacan.
Ayon kay P/Col. Satur Ediong, provincial director ng Bulacan PPO, ang isinagawang operasyon ng mga operatiba ay nagpapakita ng kanilang hindi natitinag na pangako sa pagsugpo sa kriminalidad. (MICKA BAUTISTA)