INARESTO ng Quezon City Police District (QCPD) ang magkapatid na sangkot sa pagtutulak ng droga makaraang makompiskahan ng shabu na nagkakahalaga ng P480,000 nitong Huwebes sa lungsod.
Sa ulat kay QCPD Acting District Director, P/Col. Melecio M. Buslig, Jr., ni PLtCol. Bryan Angelo Pajarillo, station commander ng Talipapa Police Station (PS 3), kinilala ang naarestong magkapatid na sina Jonathan, 27 anyos, residente sa Brgy. Binakayan, Kawit, Cavite, at Jayson Dichoso, 28 anyos, residente sa Brgy. Sta. Cruz, Quezon City.
Nauna rito, dakong 9:03 pm, nitong Huwebes, 20 Pebrero 2025, nagsagawa ng buybust operation sa bahay ni Jayson ang pinagsanib na puwersa ng District Drug Enforcement Unit (DDEU), PS 3, at Masambong Police Station (PS 2) makaraang makatanggap ng impormasyon kaugnay sa illegal drug activity ng suspek na si Jonathan.
Nagpanggap na buyer ang isang pulis at nakipagtransaksiyon kay Jonathan. Nang iabot ni Jonathan ang shabu sa poseur-buyer na nagkakahalaga ng P1,000, nagbigay ng hudyat ang buyer sa kapwa operatiba kaya dinakip si Jonathan at si Jayson ay inaresto din sa nasabing lugar.
Nasamsam sa mga suspek ang 60 gramo ng shabu na nagkakahalaga ng P408,000, coin purse, apat na cellular phones, at ang buybust money.
Ang magkapatid ay kakasuhan ng paglabag sa R.A. 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) sa Quezon City Prosecutor’s Office.
“Ipinapaabot ko ang aking pagbati sa ating mga operatiba sa kanilang walang humpay na pagsusumikap sa pagsasagawa ng mga operasyon laban sa ilegal na droga na nagresulta nang matagumpay na pagkakadakip sa mga suspek at pagkakasamsam ng mga ebidensiya,” pahayag ni PCol. Buslig, Jr. (ALMAR DANGUILAN)