NAARESTO ang tatlong pinaghihinalaang illegal loggers sa bayan ng Doña Remedios Trinidad, sa lalawigan ng Bulacan, nitong Miyerkoles, 19 Pebrero, batay sa patuloy na pagmamatyag ng mga awtoridad kaugnay sa ilegal na pamumutol ng mga kahoy sa kabundukan.
Sa ulat mula kay P/Maj. Jheneil Acuña, hepe ng Doña Remedios Trinidad MPS, naaktohan ng kanilang mga tauhan at ng National Power Corporation Watershed Area Team habang nagsasagawa ng patrol/law enforcement operation sa Sitio Dayap, Brgy. Camachin, sa nabanggit na bayan, ang mga suspek na nagbibiyahe ng mga tabla nang walang kaukulang permit.
Lulan ng tatlong motorsiklo ang mga nakompiskang tabla ng Red Lauan (Shorea Negrosensis) na may sukat na 265.98 board feet, tinatayang nagkakahalaga ng P16,000.
Kasalukuyang nasa kustodiya ang mga suspek ng Doña Remedios Trinidad MPS alinsunod sa Guidance on Intensified Anti-Criminality ng PNP Chief at pagpapatupad ng mga batas sa kapaligiran.
Nahaharap ngayon ang mga suspek sa kasong paglabag sa PD 705 o Forestry Reform Code of the Philippines. (MICKA BAUTISTA)