PATAY ang isang rider habang sugatan ang kaniyang angkas matapos makipagbarilan sa mga awtoridad na nagresponde sa sumbong na may kahina-hinala silang ikinikilos sa Brgy. Anunas, lungsod ng Angeles, lalawigan ng Pampanga, nitong Miyerkoles, 19 Pebrero.
Nauna rito, inalerto ng Angeles City Command Center ang mga tauhan ng Angeles ACPO tungkol sa dalawang kahina-hinalang indibiduwal na gumagala sa Korean Town, isang hotspot para sa mga insidente ng pang-aagaw ng mga sasakyan.
Kasunod nito ay mabilis na kumilos at naglunsad ng surveillance operation ang mga operatiba ng City Intelligence Unit (CIU) at Police Station 4 (PS4) ng Angeles CPO.
Naispatan nila ang mga suspek na sakay ng isang itim na Yamaha Aerox motorcycle na walang plaka at nagtangkang umiwas sa pagharang ng mga pulis.
Habang nagkakaroon ng pag-uusap, sinubukan ng backrider na paputukan ng baril ang mga operatiba, ngunit hindi gumana sa unang kalabit ang kaniyang baril.
Inunahan ng pagpapaputok ng baril ng isang operatiba ang rider na bumunot na rin ng kaniyang armas na siya nitong ikinasawi.
Sa bugso ng putukan, nasugatan ang backrider, na kalaunan ay kinilalang isang alyas Alex, residente sa Magalang, Pampanga, habang nasa ilalim pa ng verification ang pagkakakilanlan ng namatay na suspek.
Narekober mula sa pinangyarihan ng krimen ang isang US COLT .45 caliber pistol na bahagyang burado na ang serial number, isang magazine na kargado ng anim na bala, isang chamber-loaded ng bala, at isang napaputok nang bala. (MICKA BAUTISTA)