KINILALA ang ilang mga lungsod at munisipalidad sa lalawigan ng Bulacan na tatanggap ng Seal of Child-Friendly Local Governance (SCFLG), na nakalista sa opisyal na roster ng SCFLG Conferees for the 2023 Child-Friendly Local Governance Audit – Region III (Central Luzon) ng Department of the Interior and Local Government (DILG).
Sa mga lokal na pamahalaan sa Central Luzon na matagumpay na nakapasa sa audit, nagtala ang Bulakan ng score na 94.49, Balagtas na may 93.00, Pulilan na may 92.48, Guiguinto, 92.00, San Miguel, 90.60, Lungsod ng San Jose Del Monte, 90.27, at Lungsod Meycauayan na may 89.90, Obando, may 89.47, Paombong, 89.40, Plaridel, 87.95, Lungsod ng Malolos na may 87.25, Doña Remedios Trinidad, 87.00, San Ildefonso, 86.84, at Bustos na may 81.36.
Samantala, ang resulta para sa audit na ito ay ayon sa Inter-Agency Monitoring Task Force sa provincial level na binubuo ng DILG-Bulacan, Provincial Health Office – Public Health, Provincial Planning and Development Office, Provincial Social Welfare and Development Office at Department of Education (DepEd) at sa regional level na binubuo ng DILG Regional Office, Department of Social Welfare and Development, DepEd, Department of Health at National Economic at Development Authority.
Pinuri rin ni Gov. Daniel Fernando ang mga lokal na pamahalaan ng Bulacan sa kanilang dedikasyon na magkaroon ng ligtas at mapag-arugang komunidad para sa mga bata.
“These LGUs have shown excellence in implementing child-sensitive governance and policies that support the holistic development of the youth. We will continue to ensure that Bulacan remains a province where every child has the opportunity to grow, learn, and thrive,” anang gobernador.
Ang Child-Friendly Local Governance Audit (CFLGA) ay isang result-driven na ebalwasyon na isinasagawa taon-taon upang sukatin ang pagiging epektibo ng mga lungsod at munisipalidad sa pagpapatupad ng mga programa sa kapakanan ng bata na sumusuri sa pagganap ng Local Government Units (LGUs) sa pagtataguyod ng isang child-friendly na kapaligiran.
Ang mga LGU na matagumpay na nakatugon sa pamantayan ng pag-audit ay ginawaran ng Seal of Child-Friendly Local Governance (SCFLG). (MICKA BAUTISTA)