NASAKOTE ng mga awtoridad ang suspek sa likod ng pagkamatay ng isang 68-anyos babae na sinaksak ng limang pulgadang karayom sa bayan ng Candaba, lalawigan ng Pampanga, noong nakaraang taon.
Pinangunahan ng Pampanga SWAT Team ang operasyon na humantong sa pagkakaaresto sa suspek na kinilalang si Jerome Santiago o alyas Randy, sa loob ng isang gusali sa lungsod ng San Fernando, sa naturang lalawigan.
Ayon kay P/Col. Jay Dimaandal, Provincial Director ng Pampanga PPO, palipat-lipat ang suspek ng lugar sa pagtatago tulad sa Batangas at Laguna.
Natagpuang patay ang biktimang kinialalang si Lavinia Gulapa sa loob ng kaniyang opisina sa isang bodega sa Brgy. Barangka, Candaba.
Nabatid sa awtopsiya na mayroong mga mga pasa ang kaniyang binti at sinaksak sa dibdib gamit ang isang karayom na panahi ng sako.
Matapos isagawa ang krimen, tinangay ng suspek sa kaniyang pagtakas ang perang nagkakahalaga ng P60,000 mula sa biktima.
Sa naging pahayag ng anak ni Gulapa, nagalit si alyas Randy matapos tanggihan ng kanyang ina ang kahilingan ng suspek na kunin ang kanyang suweldo nang mas maaga.
Kasalukuyang nasa kustodiya na ng mga awtoridad ang suspek na nakatakdang sampahan ng kaukulang kaso sa hukuman. (MICKA BAUTISTA)