AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
ELEKSIYON na naman at sa tuwing dumarating ang kaganapang ito, maraming inosente ang nadadamay.
Hindi lang mga inosenteng supporter o napapadaan lang ang napapatay sa gera o patayan na politika ang motibo kung hindi may iba pang mga inosente ang nadadamay.
Napakatamik o nananahimik na lang nga sa sulok at nagbibigay buhay sa bawat indibiduwal, hayun nadadamay pa sa kalokohan ng mga kandidato lalo na sa mga bayarang supporter o goons ng ilan sa mga tarantadong killer na kandidato.
Tinutukoy natin na nananahimik sa sulok at nagbibigay buhay sa bawat nilalang — tao at hayop, ay ang mga puno sa ating kapaligiran. Hindi naman siguro lingid sa inyong kaalaman kung paano nadadamay sa halalan ang mga punongkahoy na nagbibigay buhay sa atin.
Hindi lang mga bunga, dahon at kahoy, ang buhay na ipinagkakaloob ng bawat puno kung hindi — ang pinakamahalaga ay ang oksiheno o “oxygen”.
Malaking tulong ang bawat puno sa kapaligiran natin pero tuwing nalalapit ang halalan ay maraming nakalilimot sa kahalagahan ng puno — sa eleksiyon ay unti-unti nang pinapatay ng maraming kandidato ang mga puno.
Sinasaktan at unti-unting pinapatay sa pamamagitan ng pagpako ng mga election paraphernalia sa puno — hindi lang pinapakuan kung hindi, pinuputol pa upang mapagbigyan lang ang makasariling interes ng ilan sa mga kandidato.
Dahil inaasahan nang mangyayari ang ganitong pananahimik sa mga inosenteng puno, nagpapaalala ang Department of Environment and Natural Resources – National Capital Region Office (DENR- NCR) sa mga kandidato at mga tagasunod nito na huwag maging marahas sa mga puno.
Ngayong panahon ng kampanya, pinaaalalahanan ng DENR ang mga kandidato at mga tagasunod na mahigpit na ipinagbabawal ang pagpako at pagdikit ng campaign materials sa mga puno.
Ito ay alinsunod sa Section 18, paragraph a. at b. ng COMELEC Resolution No. 10294 (2018), ipinagbabawal ang pagkakabit ng campaign materials sa mga puno at iba pang lugar maliban sa mga itinalagang common poster areas.
Sa bahagi ng DENR, batay sa Seksiyon 3 ng Presidential Decree No. 953, ipinagbabawal ang pagputol, pagsira, o pananakit sa mga puno at iba pang mga halaman na nakatanim sa mga pampublikong lugar.
‘Ika pa ng batas, ang sino man mapatunayang lumabag at nagkasala ay dapat parusahan “with imprisonment for not less than six months and not more than two years”.
Napakagandang batas para sa kaligtasan ng mga puno, kaya lang tila hanggang batas na lamang ang lahat dahil sa kabila ng maraming sumasalbahe sa mga puno sa tuwing panahon ng halalan ay wala pa rin nakukulong — kaya, ang resulta ay marami pa ring lumalabag sa batas. Minamasaker pa rin ang mga puno.
Ang tanong, sa panahon lang ba ng halalan ang pagpapatupad sa batas na ito — ang pagsalba sa mga puno? Hindi at sa halip ay ipinatutupad ang pagbabawal ng pagpako o paglagay ng kahit anong materyales sa mga puno sa lahat ng pagkakataon. Ibig sabihin, araw-araw o hindi lang sa panahon ng halalan. Gets n’yo!?
Inaasahan na marami pa rin ang lalabag sa batas na ito, kaya muling pinaaalalahanan ng DENR-NCR ang lahat ng mga kandidato lalo ang mga matitigas ang ulo nilang supporters na igalang ang mga puno at gumamit ng mga materyales na eco-friendly para sa panahon ng kampanya.
“Have a safe, fair, and eco-friendly election campaign!” panawagan ng DENR-NCR.
Ang tanong, wala bang sariling ‘sundalo’ ang DENR para manghuli ng mga unti-unting pumapatay ng mga puno lalo na tuwig panahon ng eleksiyon?