WINASAK ng mga operatiba ng PDEA Bulacan Provincial Office ang isang makeshift drug den na nagresulta sa pagkakaaresto sa isang operator nito at kasamang dalawang galamay kasunod ng buybust operation sa Brgy. Minuyan Proper, lungsod ng San Jose del Monte, sa lalawigan ng Bulacan, nitong Martes ng gabi, 11 Pebrero.
Kinilala ng PDEA team leader ang naarestong drug den maintanainer na si alyas Jun, 28 anyos; at kaniyang mga galamay na sina alyas Dan, 55 anyos, at alyas John, 44 anyos, pawang mga residente sa nasabing barangay.
Narekober sa isinagawang operasyon ang 10 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P68,000, samot-saring drug paraphernalia, at marked money.
Isinagawa ang operasyon ng pinagsanib na puwersa ng PDEA RO3 Special Enforcement Team (RSET), Bulacan Provincial Intelligence Team, at Regional Intelligence Unit.
Kasalukuyan nang nakakulong ang mga suspek sa PDEA RO 3 Jail Facility sa lungsod ng San Fernando, Pampanga, habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na isasampa sa korte. (MICKA BAUTISTA)