SA PAGTUTULUNGAN ng Department of Agriculture – Bureau of Fisheries and Aquatic Resources 3 at ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, sa pangunguna ni Gov. Daniel Fernando, muling nabigyan ng livelihood support ang 46 mangingisda mula sa Bulacan sa naganap na distribusyon sa Bulacan Capitol Gymnasium, sa lungsod ng Malolos, nitong Martes, 4 Pebrero.
Nakatanggap ang 15 benepisaryong mangingisda mula sa mga munisipalidad ng Bulakan, Hagonoy, Plaridel, at lungsod ng Malolos ng marine engine na pinondohan ng pamahalaang panlalawigan, habang 31 na benepisaryo mula sa mga munisipalidad ng Calumpit, Hagonoy, Plaridel, Obando, Paombong, at lungsod ng Malolos ang nakatanggap ng mga bangkang de motor na pinondohan ng BFAR.
Binigyang-diin ni Fernando na ang karagdagang suporta ay magbibigay-lakas sa mga mangingisda upang mapaunlad ang kanilang kabuhayan.
Higit pa rito, ang tulong na ibinibigay ay magtataguyod ng napapanatiling mga kasanayan sa pangingisda at makatutulong sa pangmatagalang pag-unlad ng industriya ng pangingisda.
“Hindi lamang ayuda ang pag-aabot natin ng tulong sa ating mga mangingisda dito sa Bulacan, tanda rin ito ng pagbibigay ng panibagong pag-asa para sa mas maunlad nilang kinabukasan at mapanatili nila ang kanilang kabuhayan,” wika ng gobernador. (MICKA BAUTISTA)