PUSPUSAN ang paghahanap ng pulisya sa mga suspek na bumaril at pumatay sa isang kontratista at kaniyang kasama noong nakaraang Sabado, 25 Enero, sa bayan ng Mariveles, lalawigan ng Bataan.
Sa ulat na nakarating kay P/BGen. Jean Fajardo regional director ng PRO3, kinilala ang mga biktimang sina Laurence Javier, isang kontratista, at si Roselito Camia, kapwa mga residente sa Davao Del Sur.
Sa inisyal na imbestigasyon ng pulisya, sakay ang mga biktima ng isang sports utility vehicle (SUV) papunta sa kanilang kompanya nang sundan ng isang isang itim na sedan.
Habang nakaparada ang SUV sa harap ng gate ng kanilang kompanya sa Brgy. Baseco, sa nabanggit na bayan, bumaba ang apat na lalaking armado ng M16 rifle at Cal. 45 pistol mula sa itim na kotse saka pinagbabaril hanggang mamatay ang mga biktima.
Sa kasalukuyan, patuloy ang isinasagawang dragnet operation ng pulisya laban sa mga suspek na pinaniniwalaang nagtatago sa isang lugar sa Bataan.
Samantala, tinitingnan ng mga imbestigator ang anggulong away sa negosyo na maaaring isa sa motibo upang patayin ang biktima. (MICKA BAUTISTA)