ISINILBI ng mga operatiba ng PNP Provincial Intelligence Unit at Malolos City Police Station (CPS) ang warrant of arrest laban sa isang dating kawani ng Bureau of Fire Protection (BFP) na residente sa Brgy. Longos, Malolos City.
Sa ulat, kinilala ang akusado na si Senior Fire Officer 2 (SFO2) Reyca Janisa Palpallatoc, nasa hustong gulang at kasalukuyang nakalalaya pa.
Armado ng warrant of arrest ang mga awtoridad nang puntahan ang tahanan ni Palpallatoc, pero wala ang subject at nakakandado ang gate, habang nakagarahe ang isang sasakyan.
Unang inilabas ni Judge Ronald August Tan ng Pasay City Regional Trial Court Branch 297 ang warrant of arrest laban kay Palpallatoc na may kaugnayan sa kasong large-scale illegal recruitment sa BFP.
Nakipag-ugnayan din ang mga awtoridad sa pamunuan ng homeowners association sa Camella Homes Subdivision sa Malolos City kung saan nakatira ang akusado pero wala silang nakuhang impormasyon sa kinaroroonan nito.
Kasabay nito’y pinuntahan din ng pulisya ang ilang lokasyon na nauugnay kay Palpallatoc, kabilang ang kanyang dating tanggapan sa punong himpilan ng BFP at ang kanyang huling mga address sa Malolos City, Quezon City, at Calamba, Laguna.
Gayonpaman, nananatiling hindi maaresto ang akusado na pinaghihinalaan ng mga awtoridad na tumakas na patungo sa Indonesia upang makaiwas sa kamay ng batas. (MICKA BAUTISTA)