RATED R
ni Rommel Gonzales
TINAGURIANG New Gen Dance Champ si Gela Atayde, kasama si Robi Domingo, na host ng Time To Dance, isang dance survival reality show ng ABS-CBN.
May karapatan si Gela na mag-host ng isang dance show dahil miyembro siya ng Legit Status na binubuo ng mahuhusay na dancers mula sa iba-ibang high school at colleges sa Pilipinas na naging kampeon sa World Hip Hop Dance Championship sa Phoenix, Arizona, USA noong 2023.
At bago pa man makilala si Gela bilang isang mahusay na dancer ay unang pinasok ng kuya niyang si Arjo Atayde ang mundo ng pagsasayaw.
Naging miyembro rin si Arjo dati ng grupong Legit Status at ngayon, mas tinahak na nito ang pag-arte dahil kilala na siya bilang isang multi-awarded drama actor.
Matagumpay din si Arjo sa mundo ng politika dahil unang sabak pa lang nito sa public service ay nahalal na agad bilang Congressman ng 1st District ng Quezon City simula noong Mayo, 2022.
At dahil parehong mahusay sumayaw ang magkapatid, may tsansa kayang maging guest si Arjo sa Time To Dance at mapanood ng publiko silang magkapatid sa isang dance number?
“I hope so,” bulalas ni Gela na nakangiti. “Ako hindi ko po alam talaga, in all honesty kasi hindi pa po kami tapos mag-shoot.
“Hopefully! Hopefully, you guys get to…
“Like I’m really crossing my fingers that kuya finds time also to rehearse bilang busy din po siya as a congressman.
“Si kuya po kasi, he is also very meticulous when it comes to dancing, ayaw niya po ‘yung sasalang lang siya ng basta-basta.
“He always tells coach, ‘Coach I have to rehearse!’
“Like weeks before o a week before, minimum.”
Siguradong marami ang matutuwa na mapanood silang magkapatid na sumasayaw na magkasama.
Samantala, ilan sa mga celebrity performer na mapapanood sa Time To Dance bilang guest judges at coaches sina AC Bonifacio, Darren Espanto, mga sikat na dance coaches na sina Chips Beltran, Lema Diaz, at Jobel Dayrit.
Magsisilbing dance council members naman sina World of Dance Philippines director Vimi Rivera at World of Dance Philippines 3rd place winner Ken San Jose.
Sa unang episode ay ipinakilala ang 17 dance hopefuls na sumailalim sa intense training, at gamit ang kanilang husay at passion na masusubok kung sino ang matitira sa weekly eliminations.
Mapapanood ang Time To Dance tuwing Sabado, 8:30 p.m. sa A2Z, Kapamilya Channel, Kapamilya Online Live, MYX, iWantTFC, at sa TFC.