ARESTADO ang isang lalaki matapos isumbong ng isang concerned citizen dahil sa pagdadala ng sumpak o improvised shotgun sa Brgy. Paradise 3, lungsod ng San Jose del Monte, sa lalawigan ng Bulacan.
Kinilala ang suspek na si alyas Ron, sinasabing nagsisiga-sigaan sa naturang lugar at madalas ipanakot ang sumpak sa mga residente.
Kaugnay ng sumbong, agad tumugon ang mga tauhan ng 301st Mobile Company, Regional Mobile Force Battalion 3 (RMFB3) na siyang nagberipika ng ulat at dumakip sa suspek.
Hindi nakapalag ang suspek nang pagsalikupan siya ng mga operatiba at matagumpay na nadisarmahan ng sumpak na walang serial number, gayondin ang isang pirasong 12-gauge na bala.
Bigong makapagkita ng dokumentasyon na nagpapahintulot sa kaniyang pagmamay-ari ng baril, gaya ng iniaatas ng Commission on Elections (COMELEC) kaya tuluyang dinala sa piitan ang suspek.
Nahaharap ngayon sa kasong paglabag sa RA 10591 kaugnay ng Omnibus Election Code.
Inulit ni P/BGen. Jean Fajardo, regional director ng PRO3, ang pangako ng PNP sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan, lalo sa panahon ng halalan. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com