WINASAK ng mga ahente ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Bulacan Provincial Office ang isang makeshift drug den na humantong sa pagkakaaresto sa maintainer nito sa ikinasang buybust operation sa Brgy. Minuyan 2, lungsod ng San Jose del Monte, nitong Sabado ng gabi, 18 Enero.
Ayon sa ng team leader ng PDEA, isinagawa ang operasyon dakong 10:03 pm kamakalawa na nagresulta sa pagkakaaresto sa drug den maintainer na kinilalang si alyas Bronson.
Kabilang sa nadakip sa loob ng drug den ay ang mga galamay at runner ni alyas Bronson na sina alyas Ricky, 45 anyos, at alyas Tolits, 50 anyos.
Nakompiska ng operating team ang kabuuang anim na plastic sachet na naglalaman ng 15 gramo ng hinihinalang shabu tinatayang nagkakahalaga ng P102,000; sari-saring drug paraphernalia; at marked money na ginamit ng poseur buyer.
Isinagawa ang operasyon ng magkakatuwang na mga operatiba ng PDEA RO 3 Special Enforcement Team at ng lokal na pulisya.
Kasalukuyang nasa kustodiya ang mga naarestong suspek ng PDEA RO 3 jail facility, habang inihahanda na ang mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 na nakatakdang isampa laban sa kanila. (MICKA BAUTISTA)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com