INARESTO ng pulisya ang dalawang indibiduwal na lumabag sa Omnibus Election Code (OEC) sa isinagawang Comelec Checkpoint sa magkahiwalay na lugar sa lalawigan ng Bulacan, nitong Linggo, 12 Enero.
Ayon sa ulat na ipinadala kay P/Col. Satur Ediong, provincial director ng Bulacan PPO, kinilala ang isa sa mga nadakip na si alyas Raul, sinita sa COMELEC checkpoint na isinagawa ng mga tauhan ng Bulacan 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) sa Brgy. Gatbuca, Calumpit dakong 8:30 ng gabi.
Sa operasyon, nabatid na sinita ang dalawang lalaking sakay ng motorsiklong maroon na walang plate number dahil sa hindi pagsusuot ng helmet at walang ingat na pagmamaneho.
Gayonman, sadyang sinalakay ng dalawang rider ang mga pulis nang walang malinaw na dahilan, na nagresulta sa kaguluhan at pagkakaaresto sa suspek, habang nakatakas ang hindi pa kilalang kasamahan nito.
Kasama sa mga nakompiskang ebidensiya ang isang kalibre .38 pistol na walang serial number; dalawang live ammunition; dalawang heat-sealed transparent plastic sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P27,200; at isang maroon Gialing motorcycle na walang plaka.
Nasa kustodiya ngayon ng Bulacan 1st Provincial Mobile Force Company (PMFC) ang suspek habang inihahanda na ang mga kasong paglabag sa RA 10054 (Motorcycle Helmet Act of 2009), RA 4136 (Pagmamaneho nang Walang Lisensya), Sec. 11 Art. II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002), RA 10591 (Illegal Possession of Firearm and Ammunition), at Omnibus Election Code (Gun Ban) na ihahain laban sa kaniya.
Nadakip din ng mga tauhan ng Paombong MPS dakong 8:30 ng gabi, kasama ang Municipal COMELEC Election Officer sa isinagawang COMELEC checkpoint ang isang 36-anyos lalaki nang bigong magpakita ng dokumento kaugnay sa gun ban exemption.
Naunang hinarang ang motorsiklo ng lalaki dahil sa hindi pagsusuot ng helmet na kalaunan ay napag-alamang may dalang baril at ipinakita ang kanyang LTOPF, firearm registration, at permit to carry.
Kasama sa mga nakompiskang ebidensiya ang isang 9mm G3 BLK Pistol/Taurus na may serial number ADK7785630, at isang magasin na puno ng 17 bala.
Nakatakdang sampahan ng mga kasong paglabag sa RA 10591 (Illegal Possession of Firearm and Ammunition) at Omnibus Election Code (Gun Ban) ang suspek. (MICKA BAUTISTA)