PATAY ang 32-anyos na person with disability (PWD) nang barilin sa ulo ng hindi kilalang lalaki, habang nanonood ng larong basketball sa Quezon City nitong Martes ng gabi.
Kinilala ang biktima na isang alyas Mico, 32, may psychosocial disability dahil sa dinaranas na schizophrenia, binata, jobless, residente sa Brgy. Commonwealth, Quezon City.
Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District (CIDU-QCPD), bandang 8:30 pm nitong 7 Enero, nang maganap ang insidente sa loob BYC covered court sa Kasunduan St., Brgy. Commonwealth, sa lungsod.
Batay sa imbestigasyon ni P/Cpl. Errika M. Casupanan, nanonood ng larong basketball ang naka-duty na barangay volunteer na si alyas Norombaba nang makarinig siya ng putok ng baril malapit sa lugar.
Nang puntahan ang pinanggalingan ng putok ng baril ay nakita niya ang duguang biktima na nakahandusay sa lupa malapit sa covered court.
Agad inireport ni Noromaba sa mga opisyal ng Barangay Commonwealth at sa Batasan Police Station (PS-6) ang insidente.
Dinala ng mga nagrespondeng pulis ang biktima sa Rosario Maclang Bautista General Hospital, ngunit idineklara itong dead on arrival dakong 9:47 pm ni Dra. Maria Angelica I. Nisce.
Nakasamsam ang SOCO team ng QCPD Forensic Unit ng isang basyo ng bala ng hindi pa batid na kalibre ng baril.
Patuloy ang imbbestigasyon sa insidente upang matukoy ang tumakas na suspek na inilarawang nakasuot ng dilaw na t-shirt, itim na short pants, pulang ballcap na sakay ng Honda Click na hindi naplakahan. (ALMAR DANGUILAN)