RATED R
ni Rommel Gonzales
MATAGAL nang hindi nag-uusap sina Keempee de Leon at ama Joey de Leon.
Ang pinag-ugatan ng sama ng loob ni Keempee ay ang pagkakatanggal sa Eat Bulaga! noong 2015 matapos ang halos 14 taong pagiging co-host sa programa.
Ibinahagi ni Keempee nang makausap namin ito sa Prinsesa Ng City Jail mediacon noong isang gabi sa GMA na siya mismo ang gumawa ng paraan para maresolba ang problema sa kanilang mag-ama.
Anang aktor, itinaon niya ang pagbisita sa Eat Bulaga! studio noong Father’s Day, June 15, 2024.
“Saturday ‘yun… ninenerbiyos ako. ‘Yung hindi ako makababa ng kotse.
“Kilala ko si Daddy ‘pag nagalit, eh. Pero hindi naman siya magbubunganga ‘pag nandiyan ang mga tao. Well, depende naman sa mood niya.
“Pero ‘yung sabi ko, kung sakaling bulyawan, pagalitan ako, tatanggapin ko. Kumbaga, kasalanan ko, aaminin ko na ‘to. It’s about humility. Pakumbaba talaga.”
Nagulat daw ang lahat sa pagdating niya sa studio.
“‘Yung staff, talagang… isipin mo, 2015 huling nagkita-kita kami.
“Talagang naglakas-loob ako. Kumbaga, kung sino man ang may kasalanan o ano, hindi ko na inisip ‘yun, eh.
“Ang sa akin lang, binati ko lahat. Parang sa puso ko, pinatawad ko na lahat. Nag-sorry ako sa iba, lalo sa daddy ko…”
Maging si Joey daw ay nagulat at kita raw sa mukha nito na hindi naka-react agad.
“Nilapitan ko. Niyakap ko siya. Sabi ko, ‘Happy Father’s Day.’
“Sabi ko, ‘Sinadya lang talaga kita, eh. Kasi, nandito lang ako sa area.’’
“Alam mo ‘yung reaksiyon ni Daddy? ‘Oh, okay.’
“Parang hindi siya makapaniwala na nandoon ako. Kasi, four years, five years kami hindi nagkita.
“Sabi niya, ‘Oh, may promo ka ba rito? Ba’t nandito ka? May po-promote…’
“Sabi ko, ‘Sinadya lang talaga kita. Sabi ko, ‘Happy Father’s Day.’
“Tapos niyakap ko siya. Sabi ko, ‘Wala, na-miss na kita.’
“So, roon na lang. Wala na kami pinag-usapan na… Wala naman kami pinag-usapan na problema.
“Kaswal. Alam mo si Daddy, ‘di ba? Daddy kasi ayaw niya ng problema. Gusto niya masaya lang lagi.
“Pero ako kasi ‘yung type na, hindi ko kaya. Transparent ako. Kung anong makikita ko sa ‘yo, sasabihin ko.”
Sa mga sandaling iyon ay pinili raw ni Keempee na mas isipin ang muling pagkikita nilang mag-ama matapos ang maraming taon.
“So, nandoon ulit ‘yung connection namin. Sabi ko, ‘At least kahit paano, Lord, medyo okay, okay na…’”
“Noong pasakay na lang siya [Joey], sabi niya, ‘O, kita na lang tayo ulit.’”
“Sabi ko, ‘Okay, Dy.’
“Ako naman, ‘yung tuwa ko na, ‘Salamat po na, at least, okay kami.’
“Pero alam mo ‘yung medyo… hindi painful ‘yung pakiramdam mo. Kasi ‘yung hindi ko pa masabi talagang ‘Sorry, ‘Dy.’ So, hinayaan ko lang.”
Niyakap daw ni Keempee ang ama na sumagot naman na, ‘Okay tayo.’
“Pero alam kong mabigat pa rin sa kanya.”
Hindi na nila pinag-usapan pa ang hinanakit nila sa isa’t isa noong mga oras na iyon.
“Pero ako, gusto ko pa ‘yung i-cherish ‘yung time na mag-usap pa rin kami,” ani Keempee.
Makalipas ang tatlong buwan ay sinadya niyang muli ang ama sa tahanan nito at doon na deretsahang humingi ng tawad.
Doon ay nagkaiyakan silang mag-ama at nagkapatawaran at nagkabati.
May inabot din daw na envelope si Joey kay Keempee.
“Daddy is very generous. Kahit walang hingin, ibibigay niya,
“Nag-abot siya sa akin ng envelope. Alam na natin, cash ‘yun, ‘di ba?” sabi ni Keempee.
Tumanggi raw si Keempee na tanggapin ito.
“Sabi ko, ‘Dy, okay pa ako. Thank you. Okay pa ako.’
“Sabi ko, ‘Ayos lang ako. Nakaka-survive pa ako. Hindi ko kailangan yan.’
“Sabi ko, ‘Mas kailangan ko ‘yung tayo.’ Sabi ko, ‘Gusto ko maging okay na tayo.’
“Hindi na importante sa akin kung ano ‘yung ibigay. Kasi wala na sa akin ‘yun, eh.
“’Yung relasyon ‘yung wala. So, ‘yun ang importante lang sa akin.”
Iyak daw ng iyak si Keempee habang sinasabi ito sa ama.
“Nakayakap ako sa kanya. Sabi niya, ‘Okay lang.’ Ayokong bumitaw. Sorry pa rin ako nang sorry.
“Nahirapan din talaga ako sa tagal kong inipon. Apat o limang taon.
“Pagdating talaga kay Daddy, sa pamilya, emosyonal talaga ako.
“Roon ko naramdaman lalo ang pamilya. Kung gaano kaimportante ‘yung pamilya.”
Nag-iyakan daw ang mag-ama.
“Sabi ko lang, ‘Dy, mahal kita. Anumang mangyari, mahal kita. Sorry na lang talaga.’Yun na lang nasabi ko, sorry.”
Maraming natutunan si Keempee sa mga nangyari.
“‘Yung pagkakamali ko pinairal ko kasi talaga ‘yung pride.”
Tinanggap na rin daw ni Keempee ang pagkakatanggal niya sa Eat Bulaga! kahit hindi niya nalaman ang dahilan.
“So, may nagsabi lang sa akin na may mga bagay talaga tayong tanong na minsan walang sagot.
“So, inisip ko na lang, parang graduation talaga. Okay na ‘yon, napatawad ko na ‘yun.
“So, noong nag-usap kami ni Daddy, okay na ‘yon. Kaya thankful ako sa family ko na, at least, naging okay kami. We patched things up.
“And ipinagdasal ko rin talaga na nangyari ‘yon.
”Masaya ang Christmas at New Year.”
Nitong January 8 ay muli silang nagkita at nag-bonding na mag-ama.
Samantala, mapapanood si Keempee sa Prinsesa Ng City Jail na bagong serye ng GMA, sa direksiyon ni Jerry Lopez Sineneng.
Mga bida rito sina Sofia Pablo at Allen Ansya at kasama sina Beauty Gonzales, Dominic Ochoa, Radson Flores, Pauline Mendoza, Lauren King, Denise Laurel, Ayen Munji-Laurel, Ina Feleo, at Ms. Jean Saburit.
Eere ito simula January 13, 3:20 p.m..