NASAKOTE ng mga awtoridad ang tatlong nakatalang high-value individuals (HVI) at nasamsam ang tinatayang 100 gramo ng hinihinalang shabu na tinatayang nagkakahalaga ng P680,000 sa isang buybust operation na isinagawa sa Brgy. Del Pilar, lungsod ng San Fernando, sa lalawigan ng Pampanga.
Ayon sa ulat, sa pakikipagtulungan ng Intel/Station Drug Enforcement Unit, San Fernando CPS sa Regional Intelligence Unit 3 na nagbigay ng intel packet, matagumpay na naisagawa ang anti-illegal drugs buybust operation laban sa mga suspek na kinilalang sina alyas Rogie, alyas Carbon, at alyas Jaina.
Dinala ang mga naarestong suspek at mga nakompiskang ebidensiya sa San Fernando CPS para sa naaangkop na disposisyon at dokumentasyon.
Sa kasalukuyan, inihahanda na ang mga dokumento para sa pagsasampa ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 laban sa mga naarestong suspek.
Ayon kay P/BGen. Redrico Maranan, Regional Director ng PRO 3, ito ay bahagi ng kanilang mas pinaigting na kampanya laban sa ilegal na droga at ipinarating sa publiko na ang PRO3 ay patuloy na magtatrabaho upang tiyaking ligtas at maayos ang bawat komunidad. (MICKA BAUTISTA)