ISANG kotse ang nasunog sa northbound lane ng North Luzon Expressway (NLEx) Viaduct area malapit sa Pulilan, Bulacan, kamakalawa, Sabado ng umaga.
Ayon sa inisyal na ulat mula kay Lizel Uy, assistant manager para sa Traffic Control ng NLEX, napansin ng driver na habang nagmamaneho ay may amoy na parang nasusunog, dahilan upang huminto sila sa gilid ng kalsada.
Habang nag-iinspeksiyon ang driver, dito niya napansin ang apoy mula sa likurang bahagi ng kotse kaya nagmamadali na silang naglabasan sa sasakyan.
Walang naiulat na nasugatan sa insidente pero ang sunog ay lumikha sa pagbagal ng trapiko, at pagsisikip na umabot sa halos apat na kilometro sa expressway.
Upang mapangasiwaan ang sitwasyon, binuksan ng mga awtoridad ang zipper lane, na nagpaginhawa sa trapiko habang ang mga emergency responder ay nagtrabaho upang masugpo ang sunog.
Mabilis na nagresponde sa pinangyarihan ng insidente ang emergency team mula sa NLEX at Bureau of Fire Protection (BFP) Pulilan, at hinatak ang sasakyan hanggang maialis ito sa area.
Sa kasalukuyan ay nangangalap ng impormasyon ang BFP Pulilan para sa karagdagang imbestigasyon upang matukoy ang sanhi ng insidente. (MICKA BAUTISTA)