ALAM MO NA!
ni Nonie Nicasio
BUKOD sa kabuuan ng pelikulang Isang Himala, naka-focus ang maraming manonood sa bida ritong si Aicelle Santos.
Malaki kasing hamon sa kanyang kakayahan bilang isang artist ang ginampanan niyang role sa naturang pelikula.
Ang singer-actress ang masuwerteng napili para sa role na Elsa na orihinal na ginampanan ng National Artist para sa Film and Broadcast Arts na si Ms. Nora Aunor.
Hindi na kailangang sabihin pa na mahirap niyang madikitan man lang nang kaunti ang performance dito ni Ate Guy. Pero wala naman ito sa ilusyon ni Aicelle. Although aminado siyang ayaw isipin ang pressure, sa halip, mas gusto raw niyang gamitin ang salitang excited.
Esplika ni Aicelle, “Mas gusto kong gamitin ang salitang excited. Mas excited po ako kasi ang hirap isipin iyong pressure, nakatatakot iyong word na pressure.
“I just know the feel that if we all enjoyed the process, we all enjoyed the filming of Isang Himala… Kung ano man ang outcome nito, alam ko na we all did our best at alam ko na mayroon kaming mensaheng dala-dala para sa ating manonood. And doon namin gustong hugutin ang aming joy and excitement, more than the pressure po,” aniya.
Ano ang kakaibang mapapanood sa kanilang pelikula at bakit ito dapat panoorin bilang isa sa entry sa darating na 50th Metro Manila Film Festival?
“I think we have something new to offer being the only musical among the ten entries. May cultural and historical significance po ang Isang Himala dahil base ito sa classic film ng ating mga National Artist.
“We have Direk Pepe Diokno na namuno sa napakagandang pelikula namin, siyempre si Sir Ricky Lee, the music of Sir Vince de Jesus. Isasama ko na ang sarili ko, kasama ko pa ang pinakamagagaling na aktor sa teatro sa ating bansa. Sana po, makita natin lahat iyon,” paliwanag niya.
Wika pa niya hinggil sa usapang box-office,
“Nangangarap kami na sana talagang panoorin ng marami. Actually, tangkilikin nating lahat, pero iyon ang baon namin. I think we stand out dahil kami iyong tanging musical sa filmfest.”
Ang klasikong pelikulang Himala na pinagbidahan ng Superstar na si Ms. Aunor noong 1982 ay mula sa Experimental Cinema of The Philippines. Ito’y pinamahalaan ni Direk Ishmael Bernal at naging kalahok sa 1982 Metro Manila Film Festival.
Sa gitna ng tagtuyot at taggutom sa Baryo Cupang, ang dalagang si Elsa ay nagsabing pinagpakitaan ng Mahal na Birhen at pinagkalooban ng kakayahang magpagaling ng maysakit. Habang dumaragsa ang mga tao upang masaksihan ang kanyang mga milagro, nilamon ang Cupang ng pananampalataya, kasaganaan, kasakiman, at panlilinlang.
Sa isang mundong uhaw sa kaligtasan, si Elsa ba ang tunay na simbolo ng pag-asa?
Ang Isang Himala ay isang nakaaantig na adaptasyon ng ‘Himala’ (1982), na binigyan ng bagong himig ng Pambansang Alagad ng Sining na si Ricky Lee.
Ang pelikula ay handog ng Kapitol Films, UXS (Unitel Straight Shooters Media Inc.), at CreaZion Studios. Kasama rin sa cast sina Bituin Escalante, Floyd Tena, David Ezra, Neomi Gonzales, Vic Robinson, Sweet Plantado, Kakki Teodoro, Joann Co, at marami pang iba.
Showing na sa December 25 ang Isang Himala sa mga sinehan, nationwide.