LUNGSOD NG MALOLOS – Nagmarka ng isang mahalagang yugto ang Bulacan Federation of Jeepney Operators and Drivers Association (BFJODA) nitong nakaraang Lunes 25 Nobyembre 2024 matapos nilang magluklok ng bagong hanay ng mga opisyal sa katatapos na Bulacan Transport Summit at Christmas Party na ginanap sa Bulacan Capitol Gymnasium.
Inihalal bilang tagapangulo si Ricardo R. Turla, bitbit ang kaniyang mayamang karanasan at pangakong mapabuti ang sistema ng sektor ng transportasyon. Magsisilbing pangalawang tagapangulo si Rogelio C. Carlos, at makatutuwang nila ang lupon ng mga direktor na kinabibilangan nina Romeo C. Adriano, Sherwin L. Decena, Mamerto D.T. De Leon, Jr., Donato D. Espe, Jr., Vicente S. Esteban, Fernando M. Evangelista, Mario F. Gregorio, Allan O. Oliquiano, Danilo D.L. Pangan, Marlon P. Pascual, Edwin B. Quizon, Edgardo S.D. Tolentino, at Leo Arceo.
Hiling ni Gob. Daniel R. Fernando sa mga bagong halal na ipagpatuloy ang kanilang pagkakaisa na may layuning iangat ang sektor, at ipinangako ang suporta ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa mga tsuper.
“Mga minamahal kong JODA, sana ay patuloy tayong magkaisa ng layunin. Makaaasa kayong hindi tayo pepreno sa pagbibigay ng suporta at tugon sa inyong mga pangangailangan,” aniya.
Nangako si Bise Gob. Alexis C. Castro sa mga bagong opisyal na isasama sila sa mga diyalogo para matukoy ang mga programang maaaring ipaabot ng pamahalaang panlalawigan.
“Kayo ay iimbitahan natin sa Sangguniang Panlalawigan para magkaroon tayo ng diyalogo kung ano ang mga batas na maaari nating maitulong at ano pa ‘yung mga programa at problema na kailangan nating solusyonan,” ani Castro.
Samantala, nagkaroon ng presentasyon si dating Narvacan, Ilocos Sur Mayor at LCS Group of Companies President Chavit Singson, na ibinida ang modelo ng modern e-jeepney, na naglalayong tulungang pagbutihin ang pagiging episyente at sustenable ng pampublikong transportasyon sa rehiyon.
Bilang bahagi ng inisyatibang ito, ipinakilala rin sa mga bagong opisyal ng BFJODA ang modernong sistema ng pagbabayad ng mga pasahero sa pamamagitan ng credit card.
“Gagawan ko sila ng card. Matagal ko nang ginagawa ‘to, binigyan ko sila ng credit card. Bibigyan ko rin lahat ng transport group para ipapatong na lang ng pasahero para wala nang sukli-sukli,” saad ni Singson.
Dinaluhan ang pagtitipon nina Aminoden D. Guro, regional director ng LTFRB Region III, Joel J. Bolano, pinuno ng technical division ng LTFRB, at Local Disaster Risk Reduction and Management Officer II Donald Maniego. (MICKA BAUTISTA)