AABOT sa mahigit P74-milyong halaga ng ilegal na droga ang nasamsam ng mga awtoridad sa Central Luzon mula 1 Oktubre hanggang 25 Nobyembre sa walang humpay na kampanya ng PRO3 PNP.
Sa ulat, matagumpay na naisagawa ang 910 operasyon kontra ilegal na droga na nagresulta sa pagkakadakip sa 1,365 indibidwal.
Nakompiska sa mga operasyon ang may kabuuang 4,964 gramo ng shabu; 10,889 gramo ng marijuana; at 26,000 gramo ng kush, na tinatayang nagkakahalaga ng aabot sa P74,064,534.78.
Bukod dito, nakumpiska rin ang 89 baril – na nagpapakita ng pagsisikap ng PRO3 na labanan hindi lamang ang droga kundi pati ang mga ilegal na baril.
Ayon kay P/BGen. Redrico Maranan, regional director ng PRO3, ang nasabing tagumpay ay patunay ng dedikasyon ng pulisya sa pagtataguyod ng kapayapaan at kaayusan sa rehiyon. (MICKA BAUTISTA)