LUNGSOD NG MALOLOS – Iginawad ang prestihiyosong Natatanging Gintong Kabataang Bulakenyo award kay Chelsea Anne Manalo, ang nagniningning na bituin ng Filipinas sa katatapos na Miss Universe 2024 sa idinaos na Gawad Gintong Kabataan Awards sa The Pavilion sa Hiyas ng Bulacan Convention Center noong nakaraang Biyernes.
Bukod kay Manalo, kinilala rin ang ibang natatanging kabataan kabilang sina Mary Vianney J. Sato ng Plaridel (Secondary) at Mahmooda Aziza Bhatti mula sa Lungsod ng San Jose Del Monte (College) para sa Gintong Kabataan sa Kagalingang Pang-Akademya at Agham; Timothy N. Dionela mula sa Guiguinto (Individual) at ang BulSU Hyper Dynamics Dance Troupe of Bulacan State University (Group) para sa Gintong Kabataan sa Larangan ng Sining at Kultura; Anthony L. Mancao ng Munisipalidad ng Pandi para sa Gintong Kabataang Entreprenyur; Paul John D.R. Hernandez mula sa Marilao (Individual) at ang Samahan ng Ibinuklod na Kabataang May Layong Angat Bayan (SIKLAB) ng Lungsod ng San Jose Del Monte (Group) para sa Gintong Kabataan sa Larangan ng Paglilingkod sa Pamayanan; Yusoph A. Maute mula sa Hagonoy (Professional Worker), Reinel L. Morelos mula sa Bulakan (Government Worker), at Sheila Delos Santos mula sa Bocaue (Skilled Worker) para sa Gintong Kabataang Manggagawa.
Tinanggap ni Igg. Riann Maclyn L. Dela Cruz ng Lungsod ng Malolos ang Gintong Kabataang SK Federation President, habang ang Gintong Kabataang SK Barangay Council ay iginawad sa Sangguniang Kabataan ng Barangay Frances ng Calumpit at Sangguniang Kabataan ng Barangay Look 1st ng Malolos.
Walong indibiduwal ang pinagkalooban ng Special Citation upang kilalanin ang kanilang tagumpay sa kani-kanilang larangan, kabilang dito sina David Vaughn C. Datuin (Guiguinto), Chrisandro A. Natividad (Malolos City), Alethea R. Ambrosio (San Rafael), Euwenn Mikael C. Aleta (Meycauayan City), Dominick R. Fajardo (Malolos City), Maxine Denielle T. Gonzaga (Meycauayan City), Sherina Alexandra B. Baltazar (Malolos City), at Trishia G. Espiritu (Hagonoy).
Samantala, binigyang pagkilala ang yumaong si Dr. Eliseo S. Dela Cruz bilang Natatanging Gintong Kabataan (Posthumous Award) para sa ilang taon niyang paglilingkod at sa kanyang mahalagang ambag bilang pinuno ng Provincial History, Arts, Culture and Tourism Office.
Nag-uwi ang mga pinarangalan sa kategoryang pang-indibiduwal ng tig-10,000, tropeo, at medalya habang tumanggap ng tig-P2,000 at plake ang mga pinagkalooban ng Special Citation at binigyan ng plake ang mga kinilala bilang Natatanging Kabataang Bulakenyo.
Binati ni Gob. Daniel R. Fernando ang mga nagwagi at binigyang diin ang kahalagahan ng papel ng mga kabataan bilang mga susunod na lider ng lalawigan kasabay ng pagpapaalala na hindi nila dapat abusohin ang kanilang kapangyarihan.
“Isa lang po ang aking bibitawan sa ating mga kapwa Bulakenyo na bibigyan ng pagkilala. Ating gamitin ang ating talino, ating gamitin ang kapangyarihang ipagkakaloob sa atin ng ating Panginoon. Huwag nating abusohin ang ibinigay sa atin na maglingkod kundi ibigay po natin ito nang may laya at demokrasya, at siyempre pagmamahal sa ating mga kapwa Bulakenyo,” aniya.
Samantala, sa kaniyang tugon bilang kinatawan ng mga Gintong Kabataang Bulakenyo ngayong taon, ipinunto ni Yusoph A. Maute, GKA awardee para sa Professional Worker, na ang karangalang kanilang natamo ay hindi lamang simbolismo ng kanilang tagumpay kundi palatandaan na ang mga pangarap ay natutupad sa pamamagitan ng pagsusumikap.
“Ang parangal na ito ay hindi lang sumisimbolo ng tagumpay ngunit isang paalala sa bawat kabataang Bulakenyo na ang ating mga pangarap at pagsusumikap ay may patutunguhan,” ani Maute.
Dumalo sa Araw ng Parangal sina Bise Gob. Alexis C. Castro, Punong Lungsod ng Malolos, Atty. Christian Natividad, Atty. Nikki Manuel S. Coronel, tagapangulo ng lupon ng pagpili para sa GKA 2024, at ang ingat-yaman ng Bulacan SK Federation Igg. Louie Marvin Tomacruz, na kumatawan sa kanilang pangulo na si Igg. Casey Tyrone E. Howard. (MICKA BAUTISTA)