DALAWANG suspek na itinuturing na high value individuals ang nasakote sa magkahiwalay na buybust operations sa lalawigan ng Bataan, hanggang nitong Martes, 19 Nobyembre, sa patuloy na kampanya laban sa ilegal na droga ng rehiyon.
Nakompiska sa operasyon ang hinihinalang ilegal na droga na may pinagsamang halagang mahigit P1.7 milyon, at isang baril.
Batay sa ulat na ipinadala kay PRO3 Regional Director P/BGen. Redrico Maranan, dakong 11:50 pm nitong Lunes, 18 Nobyembre, nagsagawa ng buybust operation sa Brgy. St. Francis 2, Limay, Bataan, ang mga operatiba ng Limay MPS, Provincial Intelligence Unit (PIU), Provincial Drug Enforcement Unit (PPDEU), at 2nd Provincial Mobile Force Company (PMFC) sa pakikipag-ugnayan sa PDEA Region 3.
Dito nadakip ang suspek na kinilalang si alyas Mike, 35 anyos, cellphone technician, residente sa nasabing barangay.
Nakompiska kay alyas Mike ang 160 gramo ng hinihinalang shabu, tinatayang nagkakahalaga ng P1,088,000; isang kalibre .38 revolver na may anim na bala; P7,000 marked money; isang pouch bag; at isang Infinix cellphone.
Makalipas ang isang oras, dakong 12:59 am, nitong Martes, 19 Nobyembre, naaresto ang suspek na kinilalang si alyas Boy, 21 anyos, residente rin sa Brgy. St. Francis 2, sa isinagawang buybust operation ng mga tauhan ng Bataan PPDEU, Orion MPS, PIU, at 2nd PMFC sa Brgy. Sabatan, sa bayan ng Orion, nakompiskahan ng isang plastic bag na naglalaman ng 100 gramo ng shabu, tinatayang nagkakahalaga ng P680,000.
Kapwa nahaharap ang dalawang suspek sa mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, habang si alyas Mike ay may karagdagang kaso para sa paglabag sa RA 10591 o Comprehensive Firearms and Ammunition Act. (MICKA BAUTISTA)