MATAGUMPAY na ipinatupad ng mga awtoridad ang search warrant para sa ilegal na pag-iingat ng baril at bala na nagresulta sa pagkakaaresto ng isang indibiduwal sa bayan ng Calumpit, lalawigan ng Bulacan nitong Linggo, 10 Nobyembre.
Sa ulat na ipinadala kay P/Col. Satur Ediong, provincial director ng Bulacan PPO, kinilala ang suspek na si alyas Gab, residente sa Brgy. Panducot, sa nabanggit na bayan, na siyang target ng operasyon.
Ikinasa ang operasyon ng mga tauhan ng Bulacan 1st Provincial Mobile Force Company sa bisa ng search warrant na inisyu ni 3rd Vice Executive Judge Sita Jose Clemente ng Malolos City RTC Branch 16 dakong 8:45 am.
Sa paghahalughog ng mga awtoridad sa lugar ng suspek, nakuha ang isang kalibre .45 baril, sampung bala ng kalibre .45, isang bala ng 7.62 para sa M14, apat na pirasong holster, isang itim na bag, at isang magazine pouch.
Inilatag ang operasyon nang mapayapa sa presensiya ng malapit na pamilya ng suspek at mga saksi.
Inihahanda na ang mga kaukulang kasong paglabag sa RA 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act laban sa naarestong suspek para sa pagsasampa sa korte.
Ayon kay P/Col. Ediong, aktibo silang nagpapatupad ng mga direktiba mula kay P/BGen. Redrico Maranan, Regional Director ng PRO3 PNP, na palakasin ang pagpapatupad ng mga batas sa baril at sugpuin ang mga ilegal na aktibidad na may kaugnayan sa mga baril at pampasabog. (MICKA BAUTISTA)