ARESTADO ang tatlong indibiduwal, kabilang ang dalawang target-listed drug peddlers, sa loob ng isang makeshift drug den sa ikinasang buybust operation sa Brgy. Camp Tinio, lungsod ng Cabanatuan, Nueva Ecija, nitong Linggo, 10 Nobyembre.
Kinilala ng PDEA Nueva Ecija ng mga nadakip na target-listed personalities na sina Kalvin Jerome Nicolas, 33 anyos; Edward Tan, 34 anyos; at kanilang kasabwat na si Mark Bryan Macapagal , 35 anyos, pawang mga residente sa nabanggit na barangay.
Nakompiska ng operating team ang kabuuang 10 piraso ng transparent plastic sachet na naglalaman ng 12 gramo ng hinihinalang shabu, tinatayang nagkakahalaga ng P81,600; iba’t ibang drug paraphernalia; at buybust money.
Dinala ang mga nakompiskang illegal substance sa PDEA RO III laboratory upang sumailalim sa quantitative at qualitative examinations, habang ang mga naarestong suspek ay pansamantalang ikukulong sa PDEA jail facility sa lungsod ng San Fernando, lalawigan ng Pampanga.
Nakatakdang sampahan ng kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga suspek. (MICKA BAUTISTA)