TINATAYANG 1,500 residente mula sa iba’t ibang barangay sa bayan ng Angat na sakop ng ika-6 na distrito ng Bulacan ang nabiyayaan ng libreng gamutan, masahe, at gupit sa isinagawang medical and dental mission ng Builders Warehouse Inc., Barangay Sta. Cruz.
Ganap na 8:30 ng umaga kahapon, 9 Nobyembre nang simulan ang pagtanggap sa mga residenteng may problema sa kalusugan.
Katuwang ng Builders Warehouse ang Bulacan Filipino Chinese Commerce Chambers and Industry Inc. na nagdala ng 15 doktor habang ang Damayang Filipino Movement Inc., ay may limang doktor.
Bukod sa Medical and Dental Mission may libreng check-up rin sa mata at libreng salamin ang mga may problema sa paningin, libre rin ang mga gamot at vitamins para sa mga bata at senior citizens.
Samantala tiniyak ni congressional aspirant Jad Racal, CEO ng Racal Holdings, miyembro ng Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce & Industry, Inc., na ipagpapatuloy ng kanilang kompanya ang bukas palad na pagtulong sa mga Bulakenyo hindi lamang sa Distrito 6 kung hindi maging sa buong lalawigan ng Bulacan.
Kaugnay nito, nagpaabot ng pasasalamat sa pamilya Racal ang mga residenteng naging benepisaryo ng libreng gamutan. (MICKA BAUTISTA)