NAGHAIN si Senador Win Gatchalian ng panukalang batas na naglalayong ihanay ang capital market ng Filipinas sa ibang bansa sa ASEAN sa mga pamamaraan ng pag-akit ng mga mamumuhunan at pagpapaunlad ng merkado at ekonomiya.
Inihain ni Gatchalian ang Senate Bill 2865 o Capital Markets Efficiency Promotion Act, na kapag naisabatas, ay maglalagay sa tax rates ng bansa sa kita mula sa capital investments nang mas malapit sa ibang mga bansa sa ASEAN.
“Mas mahal ang pamumuhunan sa Filipinas kompara sa mga kalapit na bansa. Umaasa kami na ang pagsasabatas ng panukalang ito ay magbibigay-daan sa ating bansa na makahabol at makahikayat ng mas maraming Filipino na mamuhunan sa ating mga capital market,” sabi ni Gatchalian.
Aniya, ang Key Indicator Database ng Asian Development Bank noong 2023, na nagpapakita na ang halaga ng stock market ng bansa kung ikokompara sa laki ng ekonomiya ay nasa 54.1%, malaking mas mababa kaysa average na 78.3% sa iba pang ekonomiya sa Southeast Asia.
“Isa sa mga sanhi nito ay ang pagpapataw ng bansa ng stock transaction tax (STT) na 0.6% sa halaga ng transaksiyon, na kasalukuyang pinakamataas sa rehiyon,” aniya.
“Ang ibang bansa sa Southeast Asia tulad ng Malaysia, Singapore, Thailand, Myanmar, at Cambodia ay hindi nagpapataw ng kahit anong STT habang ang Indonesia at Vietnam ay nagpapataw lamang ng STT na 0.1%,” sabi ng senador.
Aniya, ang Philippine Stock Exchange ay nagsagawa ng pagtataya na ang iminungkahing pagbawas sa STT sa 0.1% ay hahantong sa isang ‘aggregate value of stocks’ na ikinalakal sa P4.9 trilyon, na magiging 3.79 % beses na mas malaki kaysa halaga ng mga stock na ikinalakal noong 2023.
Sinabi ni Gatchalian, isa pang dahilan sa friction cost ay ang pagpataw ng documentary stamp taxes (DST), na sa ilalim ng naturang panukala ay mababawasan mula 1% hanggang 0.75% ng par value ng shares of stocks.
“Ang mga gastos sa friction na ito ay nagiging hadlang sa mga Filipino na makisali sa ating mga merkado, dahil mataas ang pamumuhunan,” wika ni Gatchalian. (NIÑO ACLAN)
HATAW! D'yaryo ng Bayan hatawtabloid.com