AKSYON AGAD
ni Almar Danguilan
NANG umupo si P/Col. Melecio M. Buslig, Jr., bilang Director ng Quezon City Police District (QCPD) nitong 1 Oktubre 2024, isa sa tagubilin sa kanya ni QC Mayor Joy Belmonte (sa talumpati nito) ay ang panatilihin ang katahimikan at kaayusan ng lungsod para sa seguridad at kaligtasan ng milyong QCitizens.
Nangako si Buslig sa Alkalde at hindi niya binigo si Mayor Joy. Sa unang ipinatawag na command conference ni Buslig matapos ang turnover ceremony nitong 1 Oktubre, isa sa pangunahing direktiba ni Buslig sa kanyang 16 station commanders at unit/division heads ay doblehin ang gera laban sa kriminalidad lalo ang kampanya laban sa ilegal na droga dahil isa ito sa pangunahing dulot ng lahat ng klase ng krimen.
Bilang patunay sa pangako ni Buslig sa Alkalde na mapanatili ang tahimik at ligtas na lungsod, napababa ni Buslig ang krimen sa Kyusi sa loob ng isang buwan – mula 1 Oktubre 2024 (pag-upo ni Buslig sa QCPD) hanggang 1 Nobyembre 2024.
Sa unang 30-araw ni Buslig, napababa niya ang krimen (crime rate) sa 19.48 porsiyento sa sinasabing pangunahing krimen.
Batay sa talaan, sa 175 anti-drug operations, nagresulta ito sa pagkaaresto ng 280 katao na ang 170 ay ‘tulak’ habang 110 ang drug users.
Sa mga operasyon, nakakompiska ang QCPD ng P6.66 milyong halaga ng illegal drugs – 956.73 gramo ng shabu, 943.56 gramo ng marijuana, at 29.25 gramo ng marijuana kush.
“Our commitment to combat illegal drug activities remains unwavering as we prioritize the safety and well-being of our communities,” ani Buslig.
Kabilang sa tinutukan ng QCPD ang pag-aresto sa mga most wanted persons kung saan nadakip ang isa sa pangunahing salarin sa pagpugot sa isang security guard ng isang car dealer sa QC noong Disyembre 2023 at pagkaaresto sa isang fugitive na nahaharap sa kasong murder dahil sa pagpaslang sa isang Konsehal sa Las Piñas City.
Siyempre, nariyan din ang kampanya laban sa illegal gambling, illegal firearms o kampanya laban sa loose firearms.
Bunga ng matagumpay na kampanya, pumalo sa 97.58% ang Crime Clearance Efficiency, indikasyon na epektibo ang strategy at sistema ng QCPD.
Sa masasabing tagumpay na gera laban sa kriminalidad sa unang 30-araw ni Buslig sa panunungkulan, tiniyak niya na magpapatuloy pa rin ang QCPD sa kampanya laban sa lahat ng porma ng kriminalidad sa lungsod para matiyak ang kaligtasan ng milyong QCitizens lalo na ngayong magpa-Pasko.
Sa matagumpay na resultang ito, masasabing hindi nagkamali si Mayor Joy maging sina PNP Chief, Gen. Rommel Francisco Marbil, at NCRPO chief PMGen. Sidney Hernia sa pagtatalaga kay Buslig bilang hepe ng pulisya ng Kyusi.
Keep up the good work PCol. Buslig sampu ng bumubuo ng QCPD – mula sa mga opisyal at sinasabing ‘back bone’ ng pulisya.