ARESTADO ang 21 pinaghihinalaang mga tulak ng ilegal na droga sa pinaigting na operasyon ng pulisya sa lalawigan ng Bulacan hanggang nitong Miyerkoles ng umaga, 30 Oktubre.
Ayon sa ulat na isinumite kay P/Col. Satur Ediong, provincial director ng Bulacan PPO, ikinasa ang serye ng buybust operations ng Station Drug Enforcement Unit ng Meycauayan, San Jose Del Monte, Baliwag, Plaridel, San Rafael, Pandi, Hagonoy, Angat, Bocaue, Calumpit, Norzagaray, Guiguinto, at Balagtas C/MPS na nagresulta sa pagkakadakip ng 21 personalidad na isinasangkot sa kalakalan ng ilegal na droga.
Nakompiska sa operasyon ang kabuuang 49 sachet ng hinihinalang shabu na may timbang na 35.97 gramo at tinatayang nagkakahalaga ng P243,471; isang coin purse; isang digital weighing scale; isang malaking aluminum foil; isang improvised glass tooter; at buybust money.
Dinala sa Bulacan Provincial Forensic Unit (PFU) ang mga nakompiskang ebidensiya para sa kaukulang pagsusuri habang inihahanda ang mga kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 laban sa mga suspek na isasampa sa korte. (MICKA BAUTISTA)