LIGTAS na nabawi ang isang Korean national habang nadakip ang tatlo sa anim na kidnapper sa isinagawang rescue operation ng Mabalacat City (Pampanga) Police Station, Pampanga Provincial Police Office sa nasabing lungsod.
Sa ulat kay Police Regional Office (PRO) 3 Regional Director, Police Brig. Gen. Redrico Maranan mula kay Pampanga PPO Director, PCol. Jay Dimaandal, ang mga nadakip ay kinilalang sina Paula Bianca Julian, Renan Coronel, kapwa residente sa Mabalacat City, Pampanga; at John Jacob Simbulan, residente sa Capas, Tarlac.
Samantala, patuloy na tinutugis ang mga kasabwat na sina Tweenie Salas, itinurong mastermind, residente sa Angeles City, Pampanga; John Lex Ubane, at Herson Barroga, kapwa residente sa Mabalacat City.
Ayon kay Mabalacat Police Station Chief, P/Lt. Efren David, nitong 24 Oktubre 2024, dinukot ng mga suspek ang biktimang si Mr. Park, 57-anyos, residente sa Timog Park, Angeles City, sa Barangay Mabiga, Mabalacat, Pampanga.
Ayon sa kapatid ng biktima, nakipagkita silang magkapatid sa grupo ng mga suspek sa Camachile Street, Mabalacat City, dakong 10:00 PM, nitong 24 Oktubre 2024 para sa bentahan ng isang sasakyan.
Ngunit, pagdating ng magkapatid sa lugar, kinompronta sila ng tatlong armadong lalaki at saka dinukot at isinakay si Mr. Park sa isang kulay itim na Kia Carnival (conduction number AP 338A).
Makalipas ang ilang oras, nagpadala (via telegram) ang mga suspek ng retrato sa kapatid ni Mr. Park na nakatali at nakapiring ang mga mata ng biktima at humihingi sila ng ransom.
Kinabukasan, 25 Oktubre, agad inatasan ni David ang kanyang Intelligence Unit, kasama ang ilang tauhan ng Pampanga Provincial Intelligence Unit (PIU) ng rescue operation makarang makakuha ng impormasyon kung saan nagtatago ang mga suspek sa bisinildad ng Mabalacat City.
Nagresulta ang operasyon sa pagkakaligtas kay Mr. Park at pagkakaaresto sa tatlong suspek habang tinutugis ang tatlo pang suspek kabilang ang utak ng pagdukot. Nakilala ang nalalabing suspek nang ikanta sila ng mga kasamahan nilang nadakip.
Sa masusing imbestigasyon, ang grupo ang responsable sa ilang krimen sa lungsod partikular ang kinasasangkutan nilang robbery, carnapping, at pagdukot sa dalawang Korean national na kinilalang sina Mr. Nam at Ms. Moon.
Nagawang nakakuha ng P800,000 ransom money ng mga suspek sa pamilya ng dalawang biktima bago sila iniwan sa isang hotel sa Capas, Tarlac.
Pinuri ni Maranan ang kanyang mga opisyal at tauhan sa matagumpay na operasyon. (ALMAR DANGUILAN)